Mainit na isyu kasi ngayon ang P55 milyong inilaan para sa kalderong gagamitin sa 2019 SEA Games, maliban sa diumano'y pagpapaalis sa 20,000 pamilyang Aeta para maitayo ang pasilidad.
Litrato mula sa Mañosa Group of Companies via Gelo Mañosa
Awat Muna: Angara humingi ng 'ceasefire' sa mga batikos sa SEA Games issue
James Relativo (Philstar.com) - November 22, 2019 - 1:47pm

MANILA, Philippines — Nanawagan ang isang senador sa publiko na itigil muna ang mga debate hinggil sa 2019 Southeast Asian Games sa pagdating ng mga atleta pagsapit ng ika-30 ng Nobyembre.

Paliwanag niya, sana'y magkaisa na muna ang buong Pilipinas sa paparating na ika-30 SEA Games, at ipakita sa mga karatig na bansa ang hospitality ng mga Pinoy.

Imbis na mapagtuunan daw kasi ng pansin ng mga atleta ang pag-eensayo, maaaring mabagabag pa ang mga nasabing manlalaro kaugnay ng mga negatibong balita kaugnay nito. 

"Hosting ng games 'yan. Dapat naka-concentrate tayo dito. Kasi 'yung mga atleta natin, kapag maraming issue, baka ma-distract eh," sabi ni Angara sa isang pahayag, Biyernes.

"Dapat naka-focus lang sa mga competition nila."

Nababalot ngayon sa panibagong kontrobersiya ang hosting ng 2019 SEAG matapos maisapubliko na P55 milyon ang ginastos ng gobyerno para sa cauldron, o kalderong sisindihan sa palaro, kahit na "isang beses lang itong gagamitin."

Noong ika-18 ng Nobyembre, matatandaang sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na nakapagtayo na sana ng 50 bagong silid-aralan sa parehong halaga.

"Wasto ba 'yan? Tama ba? Balido?" sabi ni Drilon sa Inggles.

Pero paliwanag ni Angara, sisilipin naman ng gobyerno kung naging wasto nga ba ang pagbuhos ng pera ng gobyerno sa nasabing proyekto.

"Dadaan naman sa auditing lahat 'yan," dagdag niya.

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang katiwalian sa pagpapatayo ng milyun-milyong pisong cauldron.

"Imposibleng magkaroon ng korapsyon diyan kasi nag-commission tayo ng pambansang alagad ng sining," sabi ni Digong sa isang press conference noong Martes.

Matatandaang binatikos na rin ng ilang atletang Pinoy gaya ni Gretchen Malalad ang P55 milyong kadero, lalo na't lagi raw kulang ang perang inilalaan na direkta sa mga manlalaro.

"'Walang budget! Walang budget! Hindi na approve.' Yan lagi naririnig ng mga atleta kapag nag request ng funds for training and exposure abroad. Pero may budget ang gobyerno para sa 50M na kaldero," sabi niya sa isang tweet.

'Inutang natin ito'

Sa panayam ng ANC "Headstart," ibinahagi rin ng nasabing senador nagutang pa ng bilyung-bilyong piso ang Pilipinas para lang maipatayo ang mga pasilidad ng SEAG sa New Clark City, Tarlac.

"Umuutang tayo rito. Inutang natin ito mula sa isang Malaysian firm at may limang taon para magbayad, P2.2 bilyon kada taon kung kaya P11 bilyon lahat-lahat," sabi niya sa magkahalong Tagalog at Inggles.

Aniya, may may deficit ang pamahalaan ng P624 bilyon, at P10 bilyon doon ay dahil sa mga pasilidad ng itinayo.

"Magpapakagarbo ba tayo o gagastos sa paraang magbibigay ng prestihiyo sa bansa nang mas kaonting gastos?" sabi pa ng opposition senator.

Dagdag pa niya, sa Clark inilagay ang kaldero ngunit isasagawa ang opening sa Bulacan, na 90 kilometro ang layo.

SEA Games naapektuhan din ang katutubo?

Maliban sa isyu ng magarbong paggastos sa mga pasilidad, dati na ring umani ng batikos ang pagtatayo ng pasilidad ng SEA Games sa Tarlac.

Noong 2018, ibinabala na noon ng grupong League of Filipino Students na nasa 20,000 pamilyang Aeta ang maaaring mapaalis sa pagtatayo nito roon.

"Hindi lang nito inisasantabi ang panawagan ng mga Aeta na irespeto ang kanilang lupang ninuno, ngunit gumagawa rin ng paraan para pagsamantalahan ng mga elitistang korporasyon ang lakas-paggawa ng mga katutubo para sa kanilang sariling ganansya," wika ng LFS.

Ayon sa mga organizer ng proyekto, nangailangan ng 2,000 mason, 2,000 karpintero at 1,000 welders para sa aquatics center at track stadium nito.

Nasa 12,000 Aeta ang inenenggano para sanayin sa trabaho: "Pero ang mga construction projects na 'yan, sa hulit' huli, ay panandalian lang."

Binanggit na noon ng Bases Conversion and Development Authority na mapakikinabangan pa nga ng mga katutubo at hindi raw sila mapapaalis sa lugar lalo na't "wala" naman daw nakadeklarang ancestral domain doon.

"Lumilikha ang New Clark City ng oportunidad para sa lahat, lalo na sa mga [indigenous peoples] at magsasaka na maaaring maapektuhan ng pagtatayo ng mga kalsada at iba pang istruktura," sabi ng BCDA sa ulat ng Philippine News Agency.

2019 SOUTHEAST ASIAN GAMES ATHLETES COULDRON FRANKLIN DRILON INDIGENOUS PEOPLES RODRIGO DUTERTE SONNY ANGARA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with