Taliwas sa sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo, awtorisado si Vice President Leni Robredo na makakita ng impormasyong may kinalaman sa pambansang seguridad bilang miyembro ng National Security Council, alinsunod sa Executive Order 34, s. 2001 at Section 8 (2) ng Executive Order 115, s. 1986.
OVP/Jay Ganzon
Talaga ba? Robredo bawal bigyan ng sensitibong impormasyon sa 'war on drugs'
James Relativo (Philstar.com) - November 19, 2019 - 6:39pm

MANILA, Philippines — Kinekwestyon ngayon ni Bise Presidente Leni Robredo, na co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs, ang pagdadalawang-isip ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyang access siya sa "high-value targets" ng "gera kontra-droga."

Sa isang pahayag ngayong Lunes, ipinaliwanag ni presidential spokesperson Salvador Panelo na maaaring mapahamak ang seguridad ng estado kung mabibigyan ng "unrestricted data" para magampanan nang mahusay ang kanyang tungkulin.

"[L]alo na't may tendensiya siyang magbahagi ng nakukuhang impormasyon at kaalaman sa iba panig sa interes na taliwas sa best intest ng bansa," sabi ni Panelo sa Inggles.

Kumukuha rin daw kasi ng payo si Robredo sa mga banyagang institusyon at personalidad na may negatibong paghusga sa madugong kampanya kontra-droga.

Dahil dito, nagdadalawang-isip na raw si Digong na mailagay si Robredo sa Gabinete, na "magbibigay ng unlimited access sa sensitibong state matters" sa ikalawang pangulo.

Hepe ng PDEA: 'Chairman lang siya ng isang komite'

Maliban sa presidente, nauna nang sinupalpal ni Philippine Drug Enforcement Agency Director-General Aaron Aquino ang pag-request ni Robredo sa kopya ng HVT at mga adik.

"Medyo hindi kami pumapayag dun kasi in the first place, chairman lang siya ng isang committee. It is beyond her mandate na para humingi ng kung ano-anong listahan na tingin ko walang purpose ang listahan na 'yun," ani Aquino, na co-chair ni Robredo sa ICAD.

Lunes nang mangako ni VP Leni na hindi niya ibabahagi sa mga banyagang elemento ang confidential details sa war on drugs kung mabibigyan siya niya.

"Ina-assure natin na hindi ilalabas ang anumang sensitibong impormasyon," wika niya sa budget hearing ng Senado.

Pero bawal nga ba talagang bigyang access si Robredo sa sensitibong impormasyon ng gobyerno?

VP miyembro ng National Security Council

Taliwas sa sinasabi nina Panelo, PDEA atbp., saklaw ng kapangyarihan ng bise presidente ang mapag-usapan ang isyung panseguridad ng bansa.

Sa ilalim ng Executive Order 34, s. 2001, na hindi pa napapalitan ni Duterte, sinasabing miyembro ng National Security Council ang vice president.

At hindi lang basta miyembro ng NSC ang VP — kabilang siya sa executive committee nito, ayon sa Section 2 ng EO.

Tungkulin ng executive committee ng NSC ang sumusunod:

"The Executive Committee shall review national security issues and concerns and formulate positions or solutions for consideration by the NSC."

Ayon pa sa Section 3 nito, magsisilbing "advisory body ng presidente" ang NSC.

Ayon naman sa Section 8 (2) ng Executive Order 115, s. 1986, na bumuo sa NSC, pwedeng-pwedeng silipin ng mga nasa NSC ang lahat ng datos na may kuneksyon sa seguridad ng Pilipinas.

"to evaluate and analyze all information, events, and incidents in terms of the risks they pose or implications upon and/or threats to the overall security and stability of the nation, for the purpose of recommending to the President appropriate responses thereto and/or action thereon."

Dahil dito, hindi maaaring gamitin ng Palasyo ang usapin ng "national security" upang pagkaitan ng impormasyon si Robredo.

Hindi rin kinakailangan na maging bahagi siya ng Gabinete upang magkaroon ng access sa mga nasabing impormasyon.

May kapangyarihan si Duterte na tanggalin ang bise presidente sa NSC, ngunit mangangailangan uli ito ng panibagong EO upang maiutos ito, gaya ng reconstitution na ginawa ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2001.

Sang-ayon din si Sen. Panfilo Lacson na ibahagi kay Robredo ang classified information patungkol sa mga HVT, upang mahusay na magampanan ang kanyang pagiging anti-drug czar.

"Kung hindi niya alam kung sino yung nasa high-value target list, and then how could she (Robredo) proceed in the first place?" sabi ni Lacson sa panayam ng CNN Philippines.

"Bilang ikalawang pinakamataas na opisyal, sa tingin ko'y meron siyang sapat na security clearance para panghawakan [ito] at alam niya ang kahihinatnan kung maibigay niya ito sa mga 'di otorisadong tao."

FACT CHECK HIGH-VALUE TARGETS INTER-AGENCY COMMITTEE ON ANTI-ILLEGAL DRUGS NATIONAL SECURITY COUNCIL RODRIGO DUTERTE WAR ON DRUGS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with