Calida ipinababasura ang petisyong protektahan ang West Philippine Sea

Sa 30-pahinang tugon ni Calida, sinabing walang basehan ang petisyon ng mga mangingisda dahil ginagampanan naman daw ng mga sangkot na ahensya ng gobyerno ang kanilang tungkulin sa karagatan.
The STAR/Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Hiniling ni Solicitor General Jose Calida na tuluyang maibasura ang petisyon ng mga mangingisda sa Palawan at Zambales na obligahin ang gobyerno na protektahan ang pinag-aagawang West Philippine Sea, Lunes.

Sa 30-pahinang tugon ni Calida, sinabing walang basehan ang petisyon ng mga mangingisda dahil ginagampanan naman daw ng mga sangkot na ahensya ng gobyerno ang kanilang tungkulin sa karagatan.

Ang mga ahensya na pinangalanan sa petisyon ay ang Department of Environment and Natural Resources, Department of Agriculture, Philippine Navy, Philippine Coast Guard, Philippine National Police at Department of Justice.

Ani Calida, patuloy pa rin ang pagpapatrol ng mga ahensya sa karagatan at himpapawid, maliban sa Philippine Navy na nagbibigay ng “logistics for the Unified Command to reinforce actions of the relevant commands of the Armed Forces of the Philippines which perform their respective mandates in the West Philippine Sea.”

Ang petisyon ay humihiling ng Writ of Kalikasan at Writ of Continuing Mandamus, upang matugunan ng gobyerno ang pagprotekta ng katubigang kasalukuyang pinagkakaguluhan.

Ang nauna ay isang legal na aksyon tungo sa pagtaguyod ng karapatan ng mamamayan na makinabang sa kaaya-ayang kapaligiran. 

Sa kabilang banda, ang Writ of Continuing Mandamus naman ay para pakilusin ang isang ahensya o sangay ng gobyerno na umaksyon nang naaayon sa batas at sa kanilang mandato.

Dagdag ni Calida, dapat umaksyon ang Pilipinas sa mga iligal na gawain ng mga Tsinong mangingisda sa WPS nang maibsan ang tensyon sa karagatan.

Ang petisyong inihinain ng mga mangingisda ay ipinaabot sa Korte Suprema noong ika-17 ng Abril, kung saan katuwang din si Chel Diokno na tumakbo sa pagka-senador noong halalan noong Mayo. — Philstar.com intern Blanch Marie Ancla

Show comments