'Walang sorry-sorry': Locsin 'di magpapaumanhin sa taklobo statements

Ito ang kanyang pahayag kahit na naghain na ang kanyang tanggapan ng legal action at diplomatic protest laban sa nasabing aksyon.
Google Maps

MANILA, Philippines — Matapos sabihan ang publikong lubayan ang isyu ng diumano'y pangunguha ng Tsina sa mga taklobo (giant clam) sa Panatag (Scarborough) Shoal, desidido si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin na huwag gerahin ang Beijing para rito.

"'I will not apologize for keeping' our country whole and complete even at the expense of clams. 'And I will not apologize for saying what' needs to be said so that our beloved country 'can sleep peaceably at night' when no one is watching because I am,'" sabi ni Locsin sa isang tweet, Lunes.

Ito ang kanyang pahayag kahit na naghain na ang kanyang tanggapan ng legal action at diplomatic protest laban sa nasabing aksyon.

Kinukuha ang mga nasabing taklobo sa Panatag matapos palaguin ang mga ito ng mga Pilipinong siyentista noong 1980s.

Paghingi ng tulong sa Tsina 'kataksilan'

Samantala, dismayado si National Democratic Front of the Philippines chief political consultant Jose Maria Sison sa rekomendasyon ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na humingi ng tulong sa Tsina sa pagprotekta ng mga likas yaman sa West Philippine Sea.

Kataka-taka raw ito lalo na't pinag-aagawan ng Pilipinas at Tsina ang nasabing teritoryo sa kabila ng 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration na pumapabor sa 'Pinas.

Dumating ang suwestyon ni Esperon kaugnay ng plano ng gobyernong ideklarang "marine protected areas" ang Pag-asa at Eastern Kalayaan.

"If they wish, they can join us. We have, UP has a marine laboratory in Pag-asa. We can do that. In fact that should be good for the whole of South China Sea – fisheries agreement, marine agreement all over," sabi ni Esperon sa mga reporter sa Beijing.

(Kung gusto nila, pwede nila tayong samahan. Meron tayo, 'yung UP ay may marine laboratory sa pag-asa. Pwede nating gawin 'yan. Ang totoo, maganda 'yan para sa buong South China Sea – kasunduan sa pangingisda, marine agreement all over.)

Sabi ni Sison, tila gusto pa raw yata ni Esperon na gawing lehitimo ang pagiging "bantay salakay" ng Tsina sa West Philippine Sea.

"Like his master Duterte, Esperon is a traitor and an idiot for asking China to protect the marine resources in the West Philippine Sea," sabi ni Sison sa isang pahayag nitong Linggo.

(Tulad ng panginoon niyang si Duterte, traydor at tanga si Esperon sa paghimok sa Tsina na protektahan ang yamang tubig sa West Philippine Sea.)

Aniya, tila "inililihis" pa raw ni Esperon, na dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, ang taumbayan sa katotohanang inaagaw ng Tsina ang mga teritoryo ng bansa.

"He is obfuscating the fact that China has violated the sovereign rights of the Filipino people over the West Philippine Sea, built and militarized artificial islands, taken over Panatag Shoal, usurped the marine and mineral resources and destroyed these in the West Philippines," panapos ni Sison.

(Iniaalis niya sa pedestal ang katotohanan na nilabag ng Tsina ang sovereign rights ng mamamayang Pilipino sa West Philippine Sea, lumikha ng mga militarisadong artipisyal na isla, kinuha ang Panatag Shoal, inagaw ang likas na yaman ng Kanlurang Pilipinas.)

Maliban sa mga nabanggit ni Sison, dati nang inirereklamo ang Tsina sa diumano'y pantataboy sa mga mangingisdang Pilipino sa Panatag Shoal.

Kasalukuyang naka-exile si Sison sa Netherlands at kasama sa humaharap sa government peace panel bago gumuho ang pinakahuling usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at NDFP.

'Marine protected area'

Kamukha ng ginawa noon sa ilang bahagi ng Philippine Rise ang pagdedeklara sa ilang bahagi ng West Philippine Sea bilang protected area.

Ngunit ano nga ba ang mangyayari kung ipatutupad ito roon?

"A marine protected area gives you choices whether there should be no fishing at all or no exploitation of resources, or it could be managed. That way we protect the environment, we sustain the environment so it’s a good activity that where we can join all other. We can invite nations to join us," ani Esperon.

(Sa mga marine protected area, maaari kang mamili kung ipagbabawal nang tuluyan ang pangingisda o pananamantala ng likas yaman, kung maaari itong pamahalaan para maprotektahan ang kalikasan. Magandang gawain ito na pwede nating gawin lahat. Pwede tayong mag-imbita ng mga ibang bansa.)

Sa ilalim nito, pwede raw itakda kung kailan maaari at hindi maaaring manghuli sa lugar.

Inilutang ng pamahalaan ang ideya matapos maiulat na nanghuhuli ng mga taklobo ang mga Tsino sa Panatag, na nagpapaliit daw sa nahuhuling isda ng mga mangingisda.

Ang mga taklobo ay uri ng shellfish na idineklarang endangered species ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources..

Ilan ang sigalot sa West Philippine Sea sa napag-usapan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa sidelines ng ikalawang Belt and Road Forum na nangyari sa Beijing noong nakaraang linggo.

Show comments