Surigao del Norte niyanig ng magnitude 5.5 na lindol

Bagama't relatibong mas mahina sa mga naunang lindol, agad naman itong sinundan ng 18 na aftershocks sa parehong lugar habang sinusulat ang balitang ito.
Release/Phivolcs

MANILA, Philippines — Ilang araw pa lang matapos ang nangyaring 6.1 at 6.5 magnitude na lindol, muli na namang niyugyog ang ilang bahagi ng bansa ngayong hapon.

Isang magnitude 5.5 na lindol ang naitala ng malapit sa General Luna, Surigao del Norte, ganap na 1:26 p.m na may "tectonic origin."

Nakaramdam naman ng intensity II ang Surigao City dulot nito.

Meron namang naiulat na "instrumental intensities" sa Ginoog City (II) at Surigao City (I).

Bagama't relatibong mas mahina sa mga naunang lindol, agad naman itong sinundan ng 18 na aftershocks sa parehong lugar habang sinusulat ang balitang ito.

Pinakamalakas na sa mga ito ang 4.2, 4.4, 5.0, at 4.2 na magnitude.

Wala pa namang inaasahang pinsala na idudulot ang mga pagyanig.

Samantala, ipinaliwanag naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na karaniwang magkaroon ng halos 20 lindol sa iba't ibang bahagi ng bansa araw-araw.

Ayon kay Renato Solidum, director ng Phivolcs, hindi raw kasi lahat ng mga pagyanig ay nararamdaman ng mga tao.

Kahapon lang, 21 na lindol ang naitala ng nasabing ahensiya, pinakamalakas ay ang magnitude 4.2 sa Sarangani, Davao Occidental.

Nasa loob ng "Ring of Fire" ang Pilipinas, isang lugar sa paligid ng Pacific Ocean kung saan maraming nangyayaring lindol at pagsabog ng mga bulkan.

Umaabot sa 90% ng lindol sa buong mundo nangyayari sa naturang lugar. 

Show comments