Duterte may ultimatum sa Malabon mayor vs droga

Hindi pinangalanan ni Pangulong Duterte ang alkalde pero ang mayor ng Malabon ay si Lenlen Oreta na pinsan ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Facebook Photo

MANILA, Philippines — Binigyan ng ultimatum ni Pangulong Duterte ang alkalde ng Malabon City para sugpuin ang illegal drugs sa kanyang lungsod kundi ay ipapaaresto niya ito at itatapon sa Manila Bay. Banta ito ng Pangulo sa campaign rally ng PDP-Laban sa Malabon City.

Hindi pinangalanan ni Pangulong Duterte ang alkalde pero ang mayor ng Malabon ay si Lenlen Oreta na pinsan ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

“Mayor, linisin mo Malabon. Bigyan kita isang buwan. Kung hindi, ibigay ko to.. ipahuli kita at ipatapon sa Manila Bay,” wika ni Pangulong Duterte.

Inendorso ni Duterte ang makakalaban ni Oreta sa mayoral race na si Vice-Mayor Jeanie Sandoval na maybahay ni Malabon Rep. Ricky Sandoval.

Sinabi rin ng Pangulo na handa siyang magpakulong o mabitay kung ito ang magiging kapalit ng kanyang war on drugs basta maubos lamang ang mga drug pushers at drug lords.

Pinaalalahanan din ng Pangulo ang mga pulis at sundalo na maging neutral sa halalang ito. Binalaan din niya ang mga pulitiko sa Malabon na huwag gagamit ng mga goons upang takutin ang mga botante.

“Wag kayo magkamali riyan na magamit kayo as goons, padadalhan ko talaga kayo ng isang batalyon dito sa Malabon. I will not allow na magamit ang mga pulis at sundalo sa politika,” dagdag pa ni Duterte.

Aminado si Duterte na wala na siyang magawa para makontrol ang illegal drugs dahil problema na rin ito ng buong mundo.

“Kaya ang tanong naman ng mga ibang opisyal, ito ba’y tagumpay? Kasi sabihin ko sa inyo hindi because worldwide ‘yan. It’s a worldwide problem ngayon ang droga pati China, Taiwan. At marami na ang tinamaan,” dagdag nito.

Show comments