Plakang ‘8’ gigiyerahin! - PNP

“I already ordered a massive crackdown on number 8 plates and even commemorative plates,” pahayag ni PNP-HPG Director P/Chief Supt. Roberto Fajardo.

MANILA, Philippines — Inutos na kahapon ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang malawakang crackdown laban sa number 8 protocol plates at commemorative plates.

“I already ordered a massive crackdown on number 8 plates and even commemorative plates,” pahayag ni PNP-HPG Director P/Chief Supt. Roberto Fajardo.

Ito’y sa gitna na rin ng pagkakahuli sa isang negosyante na nagmamaneho ng Sports Uti­lity Vehicle (SUV) na may plakang 8 na nambugbog sa nakaalitan nitong motorista sa trapiko sa Angeles City, Pampanga kamakailan.  

Lumitaw naman sa imbestigasyon na hindi Kongresista ang lulan ng nasabing SUV, hindi rin kapamilya ng mga solon kundi miyembro ng isang lokal na banda na nagpakilalang anak umano ng mambabatas.

Bunsod nito kaya ipinag-utos ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na bawiin at ipasoli ang lahat ng lumang protocol plates.

Sa rekord ng PNP-HPG, maraming kaso ng paglabag sa trapiko na kinasangkutan ng mga motoristang gumagamit ng protocol plate na nakalaan lamang sa mga Kongresista.

Nabatid na bantulot ang mga traffic policemen na sitahin ang mga moto­rista na gumagamit ng #8 protocol plate sa takot na masampahan ang mga ito ng kasong administratibo at ipalipat ng destino ng mga mambabatas.

Sinabi naman ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde na ang mga motorista na gumagamit ng protocol plate ay paparahin, sisitahin at posibleng maaresto lalo na kung abusado na paraan din upang alamin kung tunay o peke ang plaka na gamit ng mga ito.

“There are fake because it can be copied, there are indeed fake number 8 plates,” pahayag ni Albayalde.

“There is nothing wrong in flagging down these vehicles for as long as our personnel would do it in a proper way. While the Land Transportation Office (LTO) allows its use, there are restrictions,” sabi pa ni Albayalde.

Show comments