National Safer Internet Day isinulong sa Senado

Sa Senate Bill 2043 ni Sen. Sonny Angara, nais nitong gawin ang National Safer Internet Day sa Pilipinas tuwing ikalawang Martes ng Pebrero.
AFP

MANILA, Philippines — Itinutulak sa Senado na magkaroon ng National Safer Internet Day bilang bahagi ng pagsusulong ng tama, ligtas, responsable at positibong paggamit ng internet.

Sa Senate Bill 2043 ni Sen. Sonny Angara, nais nitong gawin ang National Safer Internet Day sa Pilipinas tuwing ikalawang Martes ng Pebrero.

“This bill declares the second Tuesday of February of every year as National Safer Internet Day as a call to action to promote better, safer, responsible and positive use of internet to every Filipino user,” nakasaad sa panukala.Ayon kay Angara, simula ng unang ilunsad ang internet sa bansa noong Marso 29, 1994 sa pamamagitan ng Philnet project, napanatili ng Pilipinas ang connectivity nito sa global community at patuloy itong tumataas.

Sa katunayan, ayon sa Internet World Statistic’s ranking, ang Pilipinas ang ika-12 sa top 20 internet users sa buong mundo at 67 milyon sa 104 milyong Filipino o 63% ng kabuuang populasyon ang gumagamit ng internet at nanatiling konektado sa kani-kanilang pamilya at kaibigan para magpalitan ng mga litrato at impormasyon, videos, istorya. 

Kapag naging batas, ang Department on Information and Communications Technology (DICT) at ang  Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang magbubuo ng mga aktibidad para sa selebrasyon ng  National Safer Internet Day.

Show comments