Drug tests sa kandidato dapat boluntaryo

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang pagsailalim sa drug test ay ‘voluntary’ kaya hindi puwedeng puwersahin ang mga kandidato kung ayaw nila.
File

MANILA, Philippines – Ibinasura ng Malacañang ang panukala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na sumailalim sa surprise drug tests ang mga kandidato para sa 2019 midterm elections.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang pagsailalim sa drug test ay ‘voluntary’ kaya hindi puwedeng puwersahin ang mga kandidato kung ayaw nila.

“Well sa tingin ko, dapat voluntary. Kung ayaw hindi naman pupuwedeng pupuwersahin mo,” sabi ni Sec. Panelo kahapon.

“Kung wala naman talagang itinatago, magbu-volunteer talaga iyan,” dagdag pa ni Pa­nelo.

Magugunita na noong Miyerkoles ay inilutang ni PDEA Director General Aaron Aquino ang panukalang drug test sa mga nais tumakbo sa 2019 mid-term elections upang matukoy daw kung sino ang gumagamit ng illegal drugs.

Pinag-aaralan din daw ni Pangulong Du­terte ang panukala ng Dangerous Drugs Board (DDB) na ilabas ang listahan ng “narco-politicians” bago ang 2019 elections.

Magugunita na hiniling din ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Commission on Elections (Comelec) ang disqualification ng mga kandidatong nais tumakbo sa eleksyon na nasa “narco-list.”

 

Show comments