Martial Law ‘di sagot sa mga problema ng Pinas – senators

MANILA, Philippines — Iginiit kahapon ng ilang senador na hindi sagot ang Martial Law at ang diktadurya sa iba’t ibang problema na kinakaharap ng bansa.

Ayon kay Sen. Bam Aquino, hindi kailanman magiging solusyon ang Martial Law sa mga problema ng Pilipinas at sa halip ay  magiging dahilan pa ito para mas tumindi ang kahirapan. 

Sa siyam na taon sa ilalim ng Martial Law, sinabi ni Aquino na may naitalang 3,320 biktima ng extrajudicial killings, 34,000 kaso ng torture, 70,000 kaso ng illegal detention, 75,730 kaso ng human rights violations at utang na aabot sa P395 bilyon, na katumbas ng mahigit P3 trilyon sa kasalukuyang panahon.

“Hanggang ngayon, binabayaran pa rin natin ang utang ng Marcos Regime, habang pumipila ang mga Pilipino para sa bigas na may bukbok at nalulunod po sa gastos ang napakaraming mahihirap na pamilya,” ani Aquino.

Iginiit naman ni Sen. Leila de Lima na dapat alala­hanin ng publiko ang naging karanasan ng bansa noong panahon ni dating pangulong Ferdinand Marcos.

“Sa ilalim ng kani-kanilang pamumuno ay bumagsak ang ekonomiya, nagtaasan ang presyo ng mga bilihin, nawalan ng trabaho ang marami, at may higit pang bilang ang hindi tiyak ang hanapbuhay at pabahay. Parehong berdugo ng mahihirap. Parehong pahirap,” ani de Lima.

Samantala, sinabi ni dating solicitor general Florin Hilbay na dapat gamitin bilang aral ang nangyari noong panahon ng Martial Law at huwag nang hayaang maulit pa ito sa bansa.

Hindi rin aniya dapat hayaan na mauwi sa wala ang ginawang pagbubuwis ng buhay ng lumaban sa diktadurya.

Idinagdag ni Hilbay na dapat maging mapagbantay sa mga banta ng kalayaan at labanan ang katiwalian at kahirapan sa lipunan.

Show comments