‘Wag pakinggan si Tatay – Sara

Sa post sa kanyang Facebook at Instagram account ni Mayor Inday, sinabi nitong Presidente at hindi naman pari, pastor o Imam ang kanyang tatay para pakinggan ang pinagsasabi tungkol sa Bibliya.
Edd Gumban

Sa sinabing ‘stupid God’

MANILA, Philippines — Nanawagan kahapon si Presidential Daughter at Davao City Mayor Inday Sara Duterte sa publiko na huwag pakinggan ang interpretasyon ng kanyang tatay na si Pangulong Rod­rigo Duterte kaugnay sa Bibliya o Quoran.

Sa post sa kanyang Facebook at Instagram account ni Mayor Inday, sinabi nitong Presidente at hindi naman pari, pastor o Imam ang kanyang tatay para pakinggan ang pinagsasabi tungkol sa Bibliya.

Ayon kay Mayor Inday, pakinggan lamang ang mga sinasabi ni Pangulong Duterte kaugnay sa kanyang trabaho at huwag sayangin ang “negatibong enerhiya” sa pagbatikos sa kanyang opinyon sa Bibliya.

Iginiit ni Mayor Duterte na bagama’t Pangulo ng bansa ang kanyang ama, protektado pa rin ng Kons­titusyon ang kanyang karapatan sa pamamahayag at paglalabas ng saloobin.

“Please do not listen to him interpret the bible or quoran, he is not a priest, a pastor or an imam. He is the President, listen only when he speaks about his work. And criticize him on his work not on his “talkkalese” Do not waste your negative energy on his interpretation of the bible, that is his opinion. He is protected by the Constitutional right to freedom of speech and expression even if he is President,” nakasaad pa sa statement ni Sara.

Magugunita na kinuwestiyon ni Pangulong Duterte noong nakaraang linggo ang pagkakasulat ng theory of creation sa bibliya kung saan sinabi nitong “Who is this stupid God?”.

Inihayag naman kamakalawa ni Presidential Spokesman Harry Roque na bumuo ng 3-man com­mittee si Pangulong Duterte upang makipag-dayalogo sa Simbahang Katoliko.

Umaasa naman si Ro­que na magkakasundo ang Simbahan at Pangulong Duterte sa hinaharap at maghihilom ang sugat na nilikha ng palitan ng mga komento ng mag­kabilang-panig.

Kabilang si Roque sa 3-man committee kasama si DFA Usec. Ernesto Abella at People Power Commissioner Pastor Boy Saycon.

Sinabi naman ni Saycon na ngayon (Huwebes) sisimulan nila ang initial dialogue sa liderato ng Catholic Bishops Confe­rence of the Philippines (CBCP).

Show comments