Sereno bigo sa SC!

Ito ay makaraang ibasura ng SC sa kaparehong boto na 8-6 ang motion for reconsideration ni Sereno na humihiling na baliktarin ang naunang desisyon ng hukuman na pabor sa quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida.
Boy Santos

MANILA, Philippines — Pinal nang nagdesisyon ang Supreme Court (SC) na patalsikin sa pwesto si Atty. Maria Lourdes Sereno bilang punong mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman.

Ito ay makaraang ibasura ng SC sa kaparehong boto na 8-6 ang motion for reconsideration ni Sereno na humihiling na baliktarin ang naunang desisyon ng hukuman na pabor sa quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida.

Ayon sa Korte Suprema, luma na ang mga argumentong inilahad ni Sereno sa kanyang apela kaya walang dahilan para baliktarin ang kanilang May 11 decision.

Pinanindigan ng Korte ang nauna nitong pasya na hindi na dapat manungkulan pa si Sereno bilang punong mahistrado dahil sa kwestiyonable na ang kanyang integridad.

Ito ay bunsod na rin ng kanyang kabiguan na regular na magsumite ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).

Nabunyag kasi sa pagdinig sa Kamara na 11 beses na hindi nagsumite ng SALN si Sereno ga­yong 20 taon siyang na­ging bahagi ng University of the Philippines College of Law. 

Si Sereno ang kauna-unahang babaeng naging chief justice ng SC at una ring napatalsik sa pamamagitan ng quo warranto petition.

Ang walong mahistrado na bumoto pabor sa pagbasura ng motion for reconsideration ni Sereno ay sina Associate Justice Noel Tijam na ponente ng desisyon at Justices Teresita Leonardo-De Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Samuel Martires, Andres Reyes at Alexander Gesmundo.

Ang mga nag-dissent naman ay sina Acting Chief Justice Antonio Carpio, Presbitero Velasco Jr., Mariano Del Castillo, Marvic Leonen, Estela Perlas-Bernabe, at Alfredo Benjamin Caguioa.

Samantala, irerekomenda na ng House committee on Rules na ibasura ang impeachment case laban kay Sereno.

Sinabi ni House Majo­rity leader Rodolfo Fariñas, na “moot and academic” na ito dahil hindi na isang public officer si Sereno na subject ng isang impeachment proceedings.

Kung wala nang impeachable officer ay wala na rin impeachment proceedings.

Ang hakbang ay gagawin sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Hulyo.

Related video:

Show comments