Publiko binalaan sa school supplies na may lason

Ito’y kasunod nang nalalapit nang pagbabalik-eskwela ng mga estudyante sa public schools sa Hunyo 4.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Pinag-iingat ng EcoWaste Coalition, isang watch group on toxic chemical products and wastes, ang publiko laban sa pagbili ng mga gamit sa eskwela na may taglay na nakalalasong cadmium at lead na maaaring makasama sa kalusugan ng mga bata.

Ito’y kasunod nang nalalapit nang pagbabalik-eskwela ng mga estudyante sa public schools sa Hunyo 4.

Sa isang pulong balitaan sa Quezon City kahapon, ibinunyag ng EcoWaste Coalition na maaaring makasama sa kalusugan ng mga estudyante ang ilang school supplies na ipinagbibili sa merkado dahil sa nakalalasong kemikal na taglay ng mga ito.

Ayon sa grupo, naka­bili sila ng ilang school supplies sa Maynila na nang kanilang suriin ay natuklasang nagtataglay ng mataas na antas ng lead at cadmium.

Kabilang anila sa mga naturang school supplies ang Artex Fine Water Colors (yellow cake), MPC Classique Water Colors (yellow cake) at Fairyland Crayons (orange stick) na may 22,300, 5,500 at 200 parts per million (ppm) ng lead, na lampas sa 90 ppm regulatory limit.

Ang mga naturang produkto ay matagal na umanong ipinagbabawal ng Food and Drugs Administration (FDA) na ipagbili ngunit nananati­ling matatagpuan sa mga pamilihan.

Show comments