Quo warranto petition vs Sereno ibasura
MANILA, Philippines — Isang grupo ng mga intervenor na kinabibilangan ng mga mambabatas mula sa Makabayan bloc ang nais na magkaroon ng partisipasyon sa quo warranto petition na kinakaharap ni Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno.
Kasama sa mga naghain ng motion for intervention sina Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate; ACT Teachers Party List Representatives Antonio Tinio at Francisca Castro; Gabriela Representative Emmy de Jesus at Arlene Brosas; Anakpawis Partylist Representative Ariel Casilao at Kabataan Party List Representative Sarah Jane Elago.
Sumama rin sa paghahain ng mosyon sina Dating Senador Rene Saguisag at Bishop Broderick Pabillo.
Giit ng mga kongresistang naghain ng mosyon na, nang dahil sa quo warranto petition, napagkakaitan sila ng kanilang constitutional right na magpasya sa kasasapitan ng impeachment complaint laban kay Sereno sa Kamara de Representantes.
Isinulong naman ng iba pang intervenor ang mosyon dahil bilang mga taxpayer, mahalaga umano na marinig ng Kongreso ang kanilang pananaw sa impeachment process.
Kalakip ng mosyon ay nagsumite ang mga intervenor ng opposition o pagtutol sa quo warranto petition.
Para sa kanila, si Sereno ay maari lamang na mapatalsik sa pwesto sa pamamagitan ng impeachment at tanging ang Kongreso lamang ang may kapangyarihan na alisin ang punong mahistrado.
Related video:
- Latest