Quezon City VM Joy B., handang tumulong sa ibang LGUs sa kampanya kontra illegal drugs

MANILA, Philippines — Handa umano si Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte na tumulong sa iba pang local government units (LGUs) para magbigay ng mga kaalaman tungkol sa mga programang ipinatutupad ng QC Anti-Drug Abuse and Advisory Council (QCADAAC) na kanyang pinamumunuan sa lunsod kaugnay ng kampanya laban sa illegal drugs.

Sinabi ni Belmonte na bagamat mandato ng lahat ng LGUs na magkaroon ng Barangay Drug Abuse Council (BDAC) na kanyang pinasimulan sa ilalim ng QCADAAC, handa rin siya umanong tumulong sa mga lokalidad para magtaguyod ng sari-sariling BDAC.

Ang BDAC na nakatalaga sa mga barangay ang unang lugar na pinupuntahan ng mga tao sa QC kapag may problema na may kinalaman sa illegal drugs o ng mga drug dependent na nais magbagumbuhay.

Ipinagmalaki naman ni Belmonte ang pagkakaroon na ng QC ng 21 drug cleared barangay dahil sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan ng QC at ng mga mamamayan at pulisya na mawalis ang drug problem sa lunsod

“Hindi biro ang magkaroon ng drug cleared barangay sa QC at kailangang ma-maintain natin ito. Kaya nga ako ay nagpapasalamat sa patuloy na pagtulong sa atin ng kapulisan, ng mga barangay, ng simbahan at ibang sektor kaya tayo ay nagtatagumpay sa mga programa natin na laan sa mga drug dependents ng QC” pahayag ni Belmonte.

Samantala, karamihan sa mga drug dependents na sumuko sa lokal na pamahalaan ng QC ay nabigyan ng trabaho ni Belmonte sa tulong ng private sector makaraang sumailalim sa drug rehabilitation program ng QCADAAC.

Show comments