AFP, PNP hirap sa clearing ops sa Marawi

Ayon kay Marawi City Police Office Director Supt. Ebra Moxsir, na bagamat nasa 560 units na ng improvised explosive devices (IEDs) at mga hindi pa sumasabog na bomba ang narekober at nai-dispose ay nasa anim na sektor pa ang hindi nila nagalaw kasama ang militar. AP/Bullit Marquez, File

Sa dami ng itinanim na bomba

MANILA, Philippines — Aminado ang militar at pulisya na nahihirapan sila sa isinasagawang clearing operations sa may 24 barangay sa Marawi City kahit halos tatlong buwan nang natapos ang laba­nan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at Maute/ISIS.

Ito ay dahil sa pagkakatuklas ng Joint Task Force Ranao at Marawi City Police na maraming ibinaong hindi pa sumasabog na bomba ang mga terorista sa kasagsagan ng mainitang engkwentro noong nakaraang taon.

Ayon kay Marawi City Police Office Director Supt. Ebra Moxsir, na bagamat nasa 560 units na ng improvised explosive devices (IEDs) at mga hindi pa sumasabog na bomba ang narekober at nai-dispose ay nasa anim na sektor pa ang hindi nila nagalaw kasama ang militar.

Giit ni Moxsir na mai­ngat na pumapasok ang mga tauhan ng Explosives Ordnance Division katuwang ang Army engineers, at K9 unit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ground zero dahil hindi pa nagalaw ang mga hindi pa sumasabog na bomba na nakalibing ng hanggang 10 metro ang lalim.

Sa kasalukuyan ay nakatutok na umano ang mi­litar at pulisya sa kanilang clearing operations sa Sector F mula sa siyam na sectors na pinagpugaran ng mga terorista.

Nauna na ring inamin ni Joint Task Force Ranao Deputy Commander Col. Romeo Brawner Jr. na mas nahirapan ang go­vernment forces na magsagawa ng clearing operations sa Sectors G, H at I dahil ito ang mga huling area na pinagtaguan ng mga terorista.

Matatandaan na noong Mayo 23 nagsimula ang bakbakan sa pagitan ng gobyerno at teroristang Maute/ISIS at idineklara ni Pangulong Duterte ang liberation ng Marawi City noong Oktubre.

Show comments