Tiwala palakasin, Anti-dynasty law ipasa bago Chacha- Sen. Bam

MANILA, Philippines — Iginiit ni Senador Bam Aquino na hanggang walang tiwala sa proseso at sa mga taong magsasagawa nito, hindi tatanggapin ng publiko ang Charter Change.

“Kailangan ng tiwala ng taumbayan sa proseso at tiwala sa nagsasagawa ng proseso. How do we make sure na para ito sa tao at hindi para sa pulitiko,” wika ni Sen. Bam sa pagdinig ng Senado sa panukalang amyendahan ang 1987 Constitution.

Bilang bahagi ng pagpapalakas ng tiwala sa proseso, iminungkahi ni Sen. Bam na dapat munang maisabatas ang isang anti-dynasty law bago amyendahan ang 1987 Constitution.

Aniya, makatutulong ang anti-dynasty law para mapa­lakas ang tiwala ng publiko sa proseso ng pag-amyenda sa Saligang Batas.

Sumang-ayon naman si dating Chief Justice Reynato Puno sa panukala ni Bam, sa pagsasabing ang problema ng political dynasty ay isa sa mga dapat bigyang pansin ng mga nagsusulong ng pede­ralismo.

Bago rito, tinutulan ni Sen. Bam ang hakbang ng Kamara na gawing Constituent Assembly ang Kongreso.

 Naniniwala ang senador na ang mahalagang proseso gaya ng Constitutional Change ay hindi dapat madaliin. Kung kailangan mang baguhin ang Saligang Batas, dapat idaan ito sa Constitutional Convention na mas katanggap-tanggap sa taumbayan kaysa Constituent Assembly na binubuo ng mga pulitiko.

Show comments