Pinuno ng PISTON pinaaaresto sa transport strike

MANILA, Philippines — Iniutos ng Quezon City court ang pagdakip kay Pinagkaisahang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) president George San Mateo dahil sa pangunguna sa malawakang transport strike nitong Pebrero.

Kinasuhan si San Mateo ng paglabag sa Section 20(k) ng Commonwealth Act 146 o ang Public Service Law.

Inilabas ni Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 43 Presiding Judge Don Ace Mariano Alagar ang arrest warrant nitong Biyernes.

Maaari namang makapagpiyansa si San Mateo sa halagang P4,000.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board nitong Setyembre kung saan nasa 7,000 mananakay ang naapektuhan ng tigil-pasada.

Sinabi ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary General Renato Reyes Jr. na isanh harassment ang pagpapaaresto kay San Mateo.

Nitong Oktubre ay inakusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PISTON at iba pang grupo na nakikipagtulungan sa mga komunista at sa New People's Army.

“It is one big conspiracy. Right now, all of them are committing rebellion,” wika ni Duterte nang igiit na itutuloy ang modernization program ng mga jeep.

Sinabi ng PISTON na “anti-poor” ang programa dahil aabutin ng P1.8 milyon ang mga bagong jeep.

Show comments