Matapos ang walang humpay na putok ng baril makikita ang mga nakabulagtang katawan habang ang mga nakaligtas ay nagkanya-kanya nang takbuhan. AFP Photo

Las Vegas concert niratrat: 50 utas
Ellen Fernando (Pilipino Star Ngayon) - October 2, 2017 - 4:00pm

Pinay, ‘person of interest’

MANILA, Philippines — Nauwi sa trahedya ang masaya sanang music festival o concert na dinumog ng mga tao sa kilalang lugar sa may Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada sa Estados Unidos matapos na isang gunman ang walang habas na mamaril na ikinasawi ng may 50 katao habang nasa mahigit 400 pa ang sugatan, kamakalawa ng gabi. 

Sa inisyal na ulat, nagulantang at nagkagulo sa lugar nang mamaril ang isang lalaking suspek gamit ang automatic rifle sa ikatlo at panghuling gabi ng 3-day Route 91 Harvest country music festival, isang sold-out event na dinaluhan ng libu-libong katao kung saan nag-perform ang mga music artists na sina Eric Church, Sam Hunt at Jason Aldean.

Ayon sa panayam ng PSN kay Foreign Affairs Acting Spokesman Robespierre Bolivar, sinabi nito na pinabe-beripika na ng DFA sa Konsulado ng Pilipinas sa Las Vegas kung may Pinoy na kabilang sa mga nasawi o nasugatan sa insidente. Habang sinusulat ang balitang ito, wala pang  natatanggap na ulat ang DFA kung may  Pinoy casualty sa trahedya sa konsyerto.

Sa report ng Las Vegas Metropolitan Police Department, habang nagpe-perform sa entablado si Aldean nitong Linggo ng gabi, nang makarinig ng sunud-sunod na putok nang mamaril ng dalang machine gun ang isang lalaki sanhi ng matinding kaguluhan, takbuhan at stampede ng mga dumalo kabilang ang mga Pinoy sa Vegas Strip.

Sa kanilang Twitter, sinabi ng Las Vegas Police na kanilang nabaril at napatay ang pangunahing suspek na nakila­lang si Stephen Paddock, 64 matapos silang magresponde sa lugar.

Si Marilou Danley, sinasabing Pinay na itinuturing na ‘person of interest’ sa Las Vegas shooting na hawak na ng mga awtoridad.

“Confirming that one suspect is down. This is an active investigation. Again, please do not head down to the Strip at this time,” ayon sa tweet ng Las Vegas Metro Police.

Samantala, hawak na ng mga pulis ang isang umano’y Pinay na nakilalang si Marilou Danley na nagsisilbi ngayong “person of interest” sa nasabing madugong pamamaril.

Si Danley ay sinasabing ka­­sama ng lalaking suspect na hindi pa tinukoy ang pagkaka­kilanlan.

Sinabi ni Bolivar, na inaalam din nila kung Filipino citizen si Danley na posibleng nakapag-asawa ng Amerikano dahil sa kanyang apelyido.

Kahapon ng hapon, naitala ng Las Vegas authorities na 50 katao na ang nasawi habang nasa mahigit 400 ang sugatan.

Nananatiling sarado ang Vegas Strip habang bukas na ang McCarran International Airport na unang naapaketuhan ang mga international flights malapit sa nasabing hotel na pinangyarihan ng pamamaril.

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with