MANILA, Philippines - Isa ng Severe Tropical Storm ang bagyong Gorio dahil sa patuloy nitong paglakas habang nasa Luzon.
Alas-4 ng hapon kahapon, namataan ng PAGASA ang sentro ng bagyo sa layong 605 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay ni Gorio ang lakas ng hangin na aabot sa 90 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso hanggang 115 kilometro kada oras.
Si Gorio ay kumikilos pa-hilagang kanluran sa bilis na 13 kph.
Niliwanag naman ni Rene Paciente, climatologist ng PAGASA, na walang signal na dala ang bagyo dahil walang epekto sa ating bansa ang hangin ni Gorio.
“Ang hangin ay naapektuhan lamang ng habagat at walang direktang epekto sa hangin na dala ni Gorio kaya wala tayong warning signals,” pahayag ni Paciente.
Patuloy naman anya ang monitoring ng PAGASA sa Cordillera Regions dahil sa banta ng landslides sa susunod na 48 oras.
Ngayong Biyernes, si Gorio ay inaasahang nasa layong 505 km silangan timog silangan ng Basco, Batanes.
Sa Sabado ay nasa layong 325 km ng silangan hilagang silangan ng Basco, Batanes at sa Linggo ay nasa 345 kilometro ng hilaga ng Basco, Batanes.
Sa Lunes ay nasa layong 515 kilometro hilaga ng Basco, Batanes at sa Martes ay inaasahang lalabas na ng ating bansa si Gorio.