‘Lock out’ policy ipinatupad na sa Kamara

MANILA, Philippines - Para masiguro na mayroong quorum ang sesyon, sinimulan nang ipatupad ng Kamara ang kanilang “lock out” policy.

Eksaktong alas-4:00 ng hapon kahapon nang isarado ang lahat ng pintuan ng session hall nang magsimula ang session sa pamamagitan ng pag-awit ng National Anthem ng Pilipinas.

Ang nasabing polisiya ay ipinatupad kaugnay ng memorandum order mula kay House Majority leader Rodolfo Farinas na siya ring chairman ng House Committee on rules.

Nakasaad sa memorandum na simula kahapon matapos ang roll call ng alas-4:00 ng hapon ay isasara ang lahat ng pinto patungo sa session hall.

Bubuksan lamang ito pagkatapos ng roll call kaya maituturing ng absent ang mga kongresista matapos ang roll call kahit pumasok pa sila sa session hall.

Kabilang naman sa mga dumating subalit hindi na nakapasok ay sina Batangas Rep. Mario Marino, Aurora Rep. Bella Flor Angara-Castillo, Quezon Rep. Trina Enverga, Sultan Kudarat Rep. Suharto Mangudadatu, Parañaque Rep. Tambunting.

Pinuri naman ni Buhay party­list Rep. Lito Ateinza ang liderato nina House Speaker Pantaleon Alvarez at Farinas sa pama­magitan ng isang manifestation.

Show comments