P5M property ng isang kolehiyo, tinupok ng apoy

COTABATO CITY, Philippines -- Abot sa P5 milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy sa Marbel Institute of Technical College o MITC sa Alunan Avenue, Koronadal City, South Cotabato, alas-6:00 kagabi.

Ayon kay Koronadal City Fire Marshall, Senior Inspector Reginald Legaste, umabot sa ikalawang alarma ang sunog sa Marbel Institute of Technical College o MITC sa Alunan Avenue.

Sinabi ni Legaste na tumulong sa pag-apula ng apoy ang volunteer fire brigade ng Koronadal at maging ang BFP sa mga bayan ng Banga at Tantangan.

Sinabi rin ni Legaste na 13 classroom ng eskuwelahan ang tinupok ng apoy na nagsimula dakong alas-6 kagabi.

Ayon kay Legaste, nagdeklara ng fire out ang BFP pagkatapos ng may halos 40 minuto. Ito na ang ikalawang sunog sa Koronadal City ngayong linggo. Matatandaan na mahigit 30 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog sa Casa Subidivision, Barangay Zone III sa lungsod noong Abril 4 ng gabi.

 

Show comments