Security forces inalerto sa ‘terror attacks’ sa Asia Pacific Region

MANILA, Philippines - Inalerto na kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang security forces kaugnay ng umano’y nakaambang paglulunsad ng serye ng ‘terror attacks’ ng grupong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) international terrorist sa Asia Pacific Region kabilang ang Pilipinas.

Ito’y sa gitna na rin ng babala ni Admiral Harry Harris, commander ng US Pacific Command.

“The Armed Forces of the Philippines (AFP) has long standing instructions to intensify its intelligence gathering and counter terrorism operations,” pahayag ni Lorenzana.

Sinabi ni Lorenzana na nakikipag-ugnayan na rin sila sa kanilang counterparts sa Association of Southeast Asian Nations  (ASEAN) upang imonitor ang anumang banta ng terorismo.

Ayon sa Defense Chief, noong Hulyo 2016 sa panunungkulan sa gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte ay lumagda sila ng Trilateral Defense Coo­peration Agreement sa Malaysia at Indonesia upang paigtingin pa ang paglaban at kampanya kontra tero­rismo, piracy at iba pang uri ng kriminalidad.

Gayundin ang pagkakaisa sa pagbabantay sa maritime areas ng nasabing magkakaalyadong bansa sa ASEAN.

Show comments