PH magiging top executioner – solon

MANILA, Philippines – Dahil sa death wish ni Pangulong Duterte kaya posibleng ang Pilipinas na ang magiging “top executioner” sa buong mundo  kapalit ng mga bansang China, Iran at Pakistan.

Ito ang nakikitang scenario ni Deputy minority leader at Buhay partylist Lito Atienza sa nais ni Pangulong Duterte na magsagawa ng pagbitay limang beses kada araw o mahigit dalawang libo kada taon sa sandaling mapagtibay na ang panukalang magbabalik ng parusang kamatayan.

Bukod dito, nagbabala din si Atienza na masasadlak ang bansa sa kadiliman sa kabila ng karamihan sa mga Pinoy ay katoliko.

Dahil dito kaya muling kinondena ng kongresista ang planong pagbuhay sa death penalty na umanoy taliwas sa katangian ng mga Pilipino na may pagpapahalaga sa buhay.

Iginiit din nito na hindi dapat at walang puwang ang anumang uri ng pagpatay judicial man o extrajudicial bilang pangontra sa krimen.

Sa pagbabalik ng sesyon ng kongreso sa Enero 16 ay isasalang na sa debate sa plenaryo ng Kamara ang death penalty bill.

Show comments