Special child, kasambahay patay sa kidlat

MANILA, Philippines – Patay ang 9-anyos na special child at kanilang kasambahay makaraang tamaan ng kidlat ang linya ng kuryente na lumikha ng sunog sa kanilang bahay habang limang iba pa ang nasu­gatan sa Davao City, Davao del Sur kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga namatay na sina John Brent Larano ­David,  anak ng may-ari ng bahay; at Kimberly Luayon, 19, kasambahay, kapwa halos hindi na makilala sanhi ng grabeng pagkasunog.

Isinugod naman sa pagamutan si Eden Josephine David, assis­tant secretary of Tourism sa rehiyon ng Davao na nagtamo ng  mga paso at sugat sa katawan.

Bukod kay Eden bahagya ring nasugatan ang anak nitong babae, hipag na si Imelda Motoc at isa pang kasambahay na si Rowena Arisgado.

Ang isa pang biktima na patuloy na isinasalba ang buhay sa Southern Philippines Medical Center sa tinamong 3rd degree burn sa katawan ay ang helper ng pamilya David  na si Reymar Sabordo.

Sa ulat ng Davao City Police, naganap ang insidente sa bahay ng pamilya David  sa Purok 4, Artiaga Street sa Barangay 33 D- bandang alas- 12:30 ng madaling araw.

Ayon sa imbestigas­yon, mahimbing na natutulog ang mga biktima nang sumiklab ang sunog dahil sa pagtama ng kidlat sa linya ng kuryente.

Narekober ng mga bumbero ang bangkay ng mga biktima matapos na maapula ang sunog.

Show comments