Shabu lab gagawing rehab

MANILA, Philippines – Sasamsamin ng gob­yerno at gagawing rehabilitation center ang pinagtatayuan ng mega shabu laboratory sa Arayat, Pam­panga.

Ito ang inanunsiyo ka­­hapon ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos mag­sagawa ng inspeksiyon sa nasabing laboratory na kaya umanong mag-produce ng nasa 200 hanggang 300 kilo ng shabu bago ito madiskubre noong Setyembre 22.

Ayon sa Pangulo, hindi na maaring mabawi ng isang Mr. Sandy Chua ang nasabing property na pinaghahanap na ng mga awtoridad.

“Chua could never get it back again, I can assure you,” pahayag ni Duterte.

Maari umanong maka­gawa ng nasa 400 kilo ng shabu ang nasabing laboratoryo na itinayo sa kapalit ng isang piggery sa Barangay San Juan Baño.

Iminungkahi ng Pa­ngu­lo na patibayin ang pun­das­yon ng istruktura at gawin itong dalawang palapag para magamit na rehabilitation center.

Ang Pangulo na rin umano ang maghahanap ng nasa P25 milyon hanggang P50 milyong pondo para sa rehab center.

Nauna ng ipinaliwanag ng Pangulo na kulang ang pondo ng gobyerno sa ngayon dahil ang pondong naabutan niya ay mula pa sa dating administrasyon.

Show comments