Metro cops na ipinatapon sa Mindanao nag-AWOL

MANILA, Philippines - Matapos  na mapatay sa ambush ang ilan sa mahigit 200 Metro cops na ipinatapon sa Mindanao kaugnay ng pagkakadawit sa droga, nagsisipag-AWOL  (Absence Without Official Leave) na ang mga ito bunga umano ng seguridad at takot na sumunod na itumba.

“Hindi na sila dapat pang nagsipag-pulis kung takot silang mamatay,” ani Philippine National Police Chief P/Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa nang matanong sa nasabing isyu.

Kabilang sa mga nagsipag-AWOL ang 29 pulis mula sa Metro Manila  na karamihan umano ay mula sa Quezon City Police District matapos na dalawa sa kanilang mga kasamahan ang tamba­ngan sa Maguindanao. 

Ang nasabing bilang ay nadagdagan pa umano pero ayon sa mga opisyal ng PNP ay hinihintay pa nila ang update ukol dito.

Noong unang bahagi ng buwang kasalukuyan, tinambangan ng hindi pa nakilalang mga armadong salarin sina SPO4 Marcelo Villagracia  at PO3 Rolando Yulo habang naglalakad patungo sa kanilang inuupahang bahay sa Parang, Maguin­danao.

Dead on the spot si Villagracia habang kritikal si Yulo.

Sina Villagracia at Yulo ay kabilang sa mahigit 200 pulis sa Metro Manila na ipinatapon ni Dela Rosa sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kaugnay ng pagkakasangkot sa droga.

Una nang pinaslang ang dalawa ring pulis-NCRPO na kabilang rin sa mga ipinatapon sa ARMM.

Kinantiyawan naman ni Dela Rosa ang mga natatakot umanong pulis na galing Metro Manila.

“Bakit sila matakot. Huwag na sila magpulis kung matakot sila mamamatay. Hindi nga sila natakot na magbenta ng droga matakot pa sila mamatay doon, sabihin ninyo sa kanila, bakit kayo matakot,” ani Dela Rosa.

Binalaan rin nito ang mga nagsipag-AWOL na isasalang sa summary dismissal kapag hindi nakapagbigay ng maganda at katanggap–tanggap na dahilan sa pagliban sa trabaho.  

 

Show comments