Smartmatic dapat managot sa script change - Comelec

MANILA, Philippines - Pinananagot ng Commission on Elec­tions (Co­melec) ang  tech­no­logy provider na Smartmatic sa kontro­bersiyal na pagpapalit ng script ng transparency server na ginamit noong nakaraang halalan.

Sa ginanap na press conference, sinabi ni Commissioner Rowena Guanzon na hindi umano  hiningi ng Smartma­tic ang kanilang permiso sa pagpapalit ng script na indikasyon umano ng “breach in protocol.”

Paliwanag ni Guanzon, hindi umano pag-aari ng  Smartmatic ang automated election. Aniya, pag-aari ito ng Comelec at ng gobyerno. Hindi umano dapat agad-agad na nagpapalit o nag-iiba ng  kahit anong bagay ang Smartmatic ng walang  permiso mula sa Comelec.

Dahil dito, sinabi ni  Guanzon na hihilingin nila ang  pagsasagawa ng formal investigation” upang malaman ang posibleng pananagutan ng Smartmatic maging ang tauhan ng Comelec.

Aalamin kung sino ang pinagbigyan ng  Smartmatic ng password upang mabago ang script na hindi awtorisado. Sigurado ang Comelec na hindi umano sa kanila galing ang pagbabaho sa script.

Nagpapasalamat na lamang sila na hindi naapektuhan nito ang resulta ng botohan.

Titignan din ng Co­me­lec kung magiging dahilan ito ng pagba-black list sa kontrata ng Smartmatic sa mga susunod na halalan. Posible din umanong mabinbin ang bayad sa Smartmatic.

Ipinaliwanag naman ni Marlon Garcia  ng Smartmatic technical support na mayroon lamang  konting mali sa ‘ñ’ at ? sa pangalan ni Senator Serge Osmeña na kailangang ayusin. Tiniyak nitong hindi naapektuhan ang resulta ng mga boto.

Ngunit para kay Guan­­zon, nakakapang­hina ng tuhod ang nangyari dahil maraming mata ang na­kabantay sa Co­melec at sa boto.

Bagamat walang ginawang  mali, posibleng may ibang isipin ang publiko lalo na’t nagkakagitgitan sina Sen. Bongbong Marcos at Rep. Leni Rob­redo sa pagka-bise presidente.

Show comments