Recto suportado ng TODA

MANILA, Philippines - Nagpahayag ngayon ng suporta kay Sen. Ralph Recto ang pinakamalaking organisasyon ng mga tricycle operators at drivers associations (TODA) para maipagpatuloy umano ng senador ang laban kontra sa pang-aabuso ng Land Transportation Office (LTO) sa mga tsuper at mamamasada.

“Hindi pa tapos ang laban ng mga TODA kontra sa mga sistema at polisiya ng LTO at LTFRB. Kailangang ipagpatuloy ni Senator Recto ang laban para protektahan ang interes ng mga tsuper at mamamasada,” ani Ariel Lim, pangulo ng National Confederation of Tricycle and Transport Operators and Drivers Association of the Philippines.

Ayon kay Lim, sisiguruhin ng NACTODAP na maibalik muli sa Senado si Recto para matiyak na may kakampi sa mataas na kapulungan ng Kongreso ang mga tsuper hindi lamang ng tricycle kundi maging ng mga jeepney, bus, at lahat ng uri ng pampublikong sasakyan.

Partikular na pinasalamatan ng NACTODAP si Recto dahil sa pagpapatigil nito sa plano ng LTO na dagdagan ng mga bagong requirements ang aplikasyon para sa lisensya ng mga nagmamaneho ng sasakyan.

Show comments