Trudeau kinondena ang pagkasawi ng Canadian hostage sa Pinas

MANILA, Philippines — Kinondena ni Canada Prime Minister Justin Trudeau ngayong Martes ang pagpaslang ng Abu Sayyaf sa isa nilang kababayan sa Jolo, Sulu.

Nakuha ng mga awtoridad ang ulo ng 68-anyos na si John Ridsdel kahapon matapos itong iwanan ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo. Nakabalot sa plastic ang pugot na ulo ni Ridsel.

"Canada condemns without reservation the brutality of the hostage-takers, and this unnecessary death. This was an act of cold-blooded murder and responsibility rests squarely with the terrorist group who took him hostage," pahayag ni Trudeau na nito lamang Nobyembre 2015 ay nasa bansa upang dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation summit.

Isa si Ridsdel sa dalawang Canadians na dinukot g Abu Sayyaf nitong Setyembre 21, 2015.

Sinabi ni Trudeau na nakikipagtulungan sila sa gobyerno ng Pilipinas at sa iba pang kaalyado upang masugpo ang bandidong grupo.

"The Government of Canada’s first priority is the safety and security of its citizens. The Government of Canada will not comment or release any information which may compromise ongoing efforts or endanger the safety of the remaining hostages," aniya.

Nakiramay rin ang prime minister sa pamilya ng biktima.

Bukod sa dalawang Canadians ay isa ring Norwegian at Pilipino ang dinukot sa Samal Island sa Davao.

Nauna nang nagbanta ang Abu Sayyaf na papatayin nila ang isa mga bihag kapag hindi nakapag bayad ng ransom bago mag alas-3 ng hapon kahapon.

Show comments