Hirit sa Kamara: ‘Araw ng Kagitingan’ gawing September 3

MANILA, Philippines - Isinusulong ng grupong Magdalo ang isang panukalang batas na ilipat sa Setyembre 3 kada taon ang selebrasyon ng Araw ng Kagitingan sa halip na Abril 9. 

Sinabi nina Magdalo Reps. Gary Alejano at Ashley Acedillo, panahon na para kilalanin naman ang mga tagumpay ng mga sundalong Pilipino.

Paliwanag pa ng mga kongresista, puro pagkatalo at kamatayan na lang ang ginugunita sa Pilipinas tulad ng April 9 kung kailan sumuko sa puwersa ng mga Hapon ang mga sundalong Pilipino.

Gayundin ang  kamatayan ni Dr. Jose Rizal tuwing December 30; at pagpatay kay dating Senador Ninoy Aquino tuwing ika-21 ng Agosto. 

Sa HB 6242, iginiit ng mga kongresistang dating sundalo na mas karapat-dapat ang petsang Setyembre 3 na Day of Valor dahil dito nanalo ang mga sundalong Pilipino noong 1896 Battle of Imus at ang pagsuko ni Gen. Tomuyuki Yamashita sa Pilipinas noong 1945.

Base umano sa kasaysayan, ang Battle of Imus ang unang malaking labanan sa rebolusyon sa Pilipinas na napanalunan ng mga Pilipino.

 

Show comments