5 kandidato ginisa sa debate

MANILA, Philippines – Nagisa ang limang kandidato sa pagkapa­ngulo sa unang presidential debate na ginawa kahapon sa Cagayan de Oro City.

Hindi pa man umiinit ang balitaktakan ay agad na pinasaringan ni dating DILG  Sec. Mar Roxas ang tatlo sa kanyang mga katunggali.

“Kanino natin ipagkakatiwala? Sa taong may kaso, sa taong mainitin ang ulo, sa taong ngayon pa lang natututo magmaneho, o sa taong ni minsan hindi kayo ipinahamak? Buo ang loob ko sa inyong pagpasya,” banat ni Roxas.

Sa opening statement naman ni Vice Pres. Jejomar Binay sinabi nito na noon hanggang ngayon ay kahirapan pa rin ang problema ng bayan. Aniya, nagawa niya sa Makati, na maibaba ang bilang ng mga mahirap. “Nagawa kong maging pinaka-mayaman ang Makati sa buong bansa.”

Naniniwala naman si Sen. Miriam Defensor Santiago na maraming yaman ang bansa suba­lit nananatiling mahirap ang mga Pilipino dahil na rin sa korupsiyon. 

Nanindigan naman si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na corruption at kriminalidad ang kanyang pagtutuunan ng pansin sakaling mahalal na pa­ngulo ng bansa. Handa rin si Duterte na ipagpatuloy ang pagpatay sa mga kriminal lalo na sa may kinalaman sa droga.

Paninindigan, malasakit at mabilis na pagtugon ang nakikitang solusyon ni Sen. Grace Poe sa mga problema ng bansa.

Naging mainit din ang debate ni Roxas at Poe  nang sabihin ng da­ting kalihim na ang pagiging pangulo ay hindi OJT. “Kinabukasan, buhay, kaunlaran ng 100 milyong Pilipino ang nakasalalay dito. Kaya may tamang panahon para sa lahat,” ani Roxas.

Sinagot naman ni Poe ang banat ni Roxas sa pagsasabing nakatatlong puwesto na ito sa gobyerno subalit walang nabigyan ng maliwanag na solusyon.

Tila nairita naman si Santiago ng matanong tungkol sa performance niya sa Senado kung saan ilang sesyon lang ang kanyang dinaluhan.

“I was at the height of cancer stage four! Stage four is the last stage!” sabi ni Miriam.

“Nag-aantay ako mamatay, eh hindi ako pinatay ng guardian angel ko eh!” dagdag niya.

Itinanggi naman ni Duterte na may mga kaso siya ng acts of lasciviousness.

“I do not know who invented it. Meron lang akong inakbayan noon. Ang nanay ko ang na­galit...” sago niya.

Kinumpirma rin niya na marami siyang naging girlfriends noon pero hiwalay na siya sa asawa.

“Anong gagawin ko itong karga-karga ko? Hindi ko naman ipagbili ito. Hindi mo naman isangla e. Gamitin mo dapat e baka mamatay ka.” 

Sabi naman ni Poe na totoong very attractive si Duterte sa mga kababaihan pero pinayuhan niya ang Davao mayor na magkaroon ng pagpipigil sa sarili.

Show comments