Trillanes nagpiyansa sa kasong libel

Naghain ng sampung libong pisong piyansa si Sen. Antonio “Sonny” Trillanes matapos makabalik mula sa U.S. ng Martes. Philstar.com/File photo

MANILA, Philippines - Naghain ng piyansa si Sen. Antonio “Sonny” Trillanes sa kasong libel na isinampa ni dating Makati mayor Jejomar "Junjun" Binay matapos makabalik mula sa U.S. ng Martes. 

Trillanes na kumakandidato sa pagkabise president, ay personal na nagtungo sa Makati Regional Trial Court para ihain ang sampung libong pisong piyansa matapos na ilabas ang arrest warrant para sa senador noong Pebrero 1, ayon sa radio report.

Dinismis ng nasabing korte ang mosyon ni Trillanes na isuspinde ang pag-aresto at pagdinig ng kaso.

Ipinag-utos ng Makati RTC ang pag-aresto kay Trillanes matapos makitang may probable cause sa kasong libelo laban sa senador.

Ang kaso ay nag-ugat sa paratang ni Trillanes na di umano’y sinuhulan ng mga Binay ang dalawang justices ng Court of Appeals 6th Division na sina Jose Reyes Jr. at Francisco Acosta upang paburan ang temporary restraining order sa suspension na kinakaharap ng dating alkalde.

Maging si Bise Presidente Jejomar “Jojo” Binay ay nagsampa ng kasong libelo laban kay Trillanes matapos siyang akusahan na nakatanggap ng P100 milyong kickback mula sa umano’y ghost senior citizens ng Makati.

Ayon kay Trillanes, handa siyang harapin ang kasong isinampa ni Junjun Binay.

“Hindi ko siya aatrasan. Lalabanan ko siya rito at makikita natin, 'di kalaunan kung sino nagsasabi ng totoo at nagsasabi ng tama,” pahayag ni Trillanes sa TV ambush interview sa airport.

Muling binanatan ng senador ang mga Binay sa umano’y korapsyon.

“Dito niya (Vice President Binay) pinapakita kung paano inaabuso ang kapangyarihan,” sabi ni Trillanes.

“Ipapaalam ko sa mga tao na mandarambong ito so 'pag inilagay ninyo sa pwesto ito, wala itong gagawin kundi magnakaw,” dagdag niya.

Show comments