‘Walang extension sa registration’ -- Comelec

MANILA, Philippines – Muling ipinaalala ng Commission on Elections (Comelec)  na walang extension ang  rehistrasyon para sa halalan sa susunod na taon at hanggang  Oktubre 31 lamang  ito.

Ayon sa Comelec, marami pang dapat na pag­tuunan ng pansin ang  Comelec partikular dito ang automated elections sa May 2016. Nagsimula ang  voter registration noon pang  Mayo 6.

Iginiit ni Comelec Chairman Andres Bautista hindi na dapat na hintayin ng  publiko ang “last minute” sa pagpaparehistro upang makapagpa biometrics.

Pinuna ni Bautista na tila nagiging ugali na ng mga Filipino ang huling araw kung saan nasisisi pa ang komisyon kung   hindi  sila napagbibigyan.

Nabatid kay Bautista na hanggang sa ngayon ay umaabot pa sa apat na mil­yon ang  hindi nakakapagsumite ng kanilang  biometrics data. Aniya, hindi makaboboto ang sinumang walang biometrics data.

Inaasahang  aabot sa 53 milyon  ang rehistradong botante ang boboto sa May 2016 elections.

Show comments