TRO hearing ni Binay sa CA tuloy

Makati Mayor Jejomar Erwin "Junjun" Binay.  Mark Pimentel, File

MANILA, Philippines – Tuloy ang pagdinig sa temporary restraining order ni Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay kaugnay ng kahi­lingan niyang pigilin ang pagpapatupad sa preventive suspension na naunang ipinataw sa kanya ng Ombudsman.

Ito naman ang lumitaw matapos na ibasura ng Court of Appeals 6th Division ang hiling ng  Office of the Solicitor General na ipatigil ang pagdinig  para dito dahil sa judicial courtesy kung saan naka­bimbin sa Korte Suprema ang petisyon ng Ombudsman na kumukwestiyon sa ginawang pagpigil ng appellate court sa suspension order laban kay Binay.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang OSG na maideklarang moot and academic ang kaso sa Mataas na Hukuman kapag itinuloy ang proceedings. Subalit nagpasya ang CA na ituloy ang oral argument dahil wala namang inisyung TRO ang SC at ibasura ang mosyon ng OSG. Nangangamba ang mga ito na makasuhan ng ad­mi­nistratibo kung hindi itutuloy ang  argument.

Tinukoy naman ni Justice Jose Reyes, ponente sa kaso, na wala nang maituturing na “strong probability” na magiging moot ang kaso ng Ombudsman sa SC kapag itinuloy ang pagdinig ngayong hapon.

Partikular na tinata­lakay sa oral argument ang hiling na writ of preliminary injunction ng kampo ni Binay na magpapalawig sa ginawang pagpigil sa pagpapatupad ng suspension order laban sa alkalde.

Didinggin din ngayong hapon ang hiling ni Binay na mapatawan ng contempt ang Ombudsman, Department of Interior and Local Government at Department of Justice dahil sa umanoy pagsuway sa TRO ng CA.

Show comments