Ping magpapa-sex change - Miriam

MANILA, Philippines - Binuweltahan kahapon ni Senator Miriam Defensor-Santiago si rehabilitation czar Panfilo “Ping” Lacson na balak umanong sumailalim sa “gender change operation” matapos ibunyag ng dating senador na  kasama ang pangalan niya sa listahan ni Janet Lim-Napoles na diumano’y tumanggap ng kickbacks mula sa kanilang Priority Development Assistance Fund.

Ayon kay Santiago, kahit naman sino ay maaaring gumawa ng listahan at may nakarating sa kanyang impormasyon na tungkol sa listahan na may pamagat na “Closeted gays or bisexuals in public service”.

Muli ring tinawag na “Pinky Lacson” ni Santiago ang dating kasamahan sa Senado na kabilang umano sa nasabing listahan ng mga “closeted gays or bisexuals in public service”.

Sinabi pa ni Santiago na mayroon ding affidavit na bagaman at walang lagda ay kumakalat sa Metro Manila na nagsasabing maghahain ng leave of absence si “Pinky Lacson” upang magbakasyon sa Malacañang at magtungo sa isang remote clinic sa United States upang sumailalim sa sex change o pagpapabago ng kasarian.

Samantala, itinanggi ni Santiago na nagkaroon siya ng transaksiyon kay Napoles  at hindi aniya maaa­ring gamiting ebidensiya ang sinasabing listahan na walang lagda.

Muling tinawag ni Santiago na ‘attack dog’ ni Se­nate Minority Leader Juan Ponce Enrile si Lacson kaya isinama ang kanyang pangalan sa sinasabing listahan ni Napoles.

Sa panig naman ni Lacson ay sinabi nito  na hindi siya bakla. Sa text message niya, hindi umano niya gustong ma-offend ang mga  gays sa buong mundo pero wala umano siyang balak na maging bading.

Show comments