Aircon sa NAIA 1 sa Agosto pa darating

File Photo

MANILA, Philippines – Matapos mag-ikot sa mga paliparan, pantalan at istasyon ng bus ngayong Miyerkules santo, humingi ng paumanhin si Pangulong Benigno Aquino III dahil sa kawalan ng air conditioning system sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Ipinaliwanag ni Aquino na noong Nobyembre pa sila nag-order ng mga bagong magpapalamig sa naturang paliparan ngunit sa Agosto pa ang dating ng mga ito.

"Humihingi tayo ng paumanhin at pasensya pero talagang sa higpit ng mga patakaran sa gobyerno... hindi naman pwedeng umorder ka ngayon at i-deliver within 30 days," pahayag ng Pangulo.

Kaugnay na balita: PNoy mag-iikot sa mga terminal

Dagdag niya na hindi pa niya naririnig ang paliwanag ng mga may kinalaman sa proyekto kung bakit matatagalan ang pagdating ng bagong air conditioning system gayung kadalasan ay apat na buwan lamang dapat ito.

Nauna nang humingi ng paumanhin ang  Department of Transportation and Communications dahil sa kawalan ng air conditioning system sa paliparan.

"We understand how inconvenient it is to endure these conditions inside the airport’s facilities, especially during this peak season.  While the airconditioning system is functioning, temperature is affected by rehabilitation works.  We appeal to you to kindly bear with us, as this is all part of the ongoing project which will ensure T1’s structural integrity for the continued safety of its users," wika ni DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya.

Sinabi ng Manila International Airport Authority na kailangang isara ang air conditioning system upang hindi mapasukan ng mga alikabok mula sa mga ginagawang bahagi ng paliparan na maaaring makasira lalo sa sistema.

Nag-ikot ngayong araw si Aquino sa iba't ibang terminal upang matiyak ang seguridad at kapakanan ng  publiko na karamihan ay pauwi ng probinsiya ngayong Semana Santa.

Show comments