Number 7 most wanted sa Muntinlupa, arestado

MANILA, Philippines - Matapos ang apat na taong pagtatago, nada­kip na rin ng pulisya ang itinuturing na number 7 most wanted criminal na  may mga kasong murder at qualified carnapping sa Muntinlupa City, kamakalawa ng  hapon.

Sa report na tinanggap ni Police Supt. Ruvenar Ecalner, hepe ng Muntinlupa City Police, kinilala ang nadakip na si Lloyd Robin  Montecillo,  alyas Doremon , 19, nakatira sa Sitio Pinac, Brgy. San Antonio, Bay, Laguna.

Ayon sa Warrant Section ng Muntinlupa City Police, alas-5:00 ng hapon ng madakip si Montecillo sa bisa ng  warrant of arrest na inisyu ni Judge Loribel Lacap, ng Muntinlupa City Regional Trial Court, Branch 207.

Base sa rekord ng pulisya, nabatid na noong Oktubre 14, 2010 pinatay sa saksak ni Montecillo ang biktimang si Gerald Uding sa Sunren Garden, NBP Compound, Brgy. Poblacion, Muntinlupa City.

Matapos isagawa ni  Montecillo ang pagpatay ay mabilis itong tumakas  at halos apat na taon itong nagtago sa mga alagad ng batas at namalagi ito sa Laguna.

Bukod sa kasong murder na kinakaharap nito, nahaharap din ang akusado sa kasong qualified carnapping.

 

Show comments