Piyansa kay GMA ibinasura

MANILA, Philippines - Sa ikalawang pagkakataon ay muling inisnab ng Sandiganbayan ang petisyon ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na makapagpiyansa sa kasong pandarambong para pansa­mantalang makalaya.

Binigyang diin ng Sandiganbayan First Division sa 12-pahinang desisyon nito na walang merito ang request ni Arroyo kaya hindi pinahintulutan ang motion for reconsideration at supplemental motion to bail na naisampa nito sa kanilang tanggapan.

Ang kaso ng pandarambong ni GMA ay may kinalaman sa umano’y maanomalyang paggamit nito ng pondo ng Phi­lippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong 2007 at 2010.

Sinasabing nagsampang muli ng petisyon ang kampo ni Arroyo na payagan itong makapagpiyansa dahil sa karamdaman ng mambabatas.

Noong Nobyembre 2013, ganitong petis­yon din ang naisampa ng kampo ni Mrs. Arroyo sa Sandiganbayan pero bigo pa rin ito na mapagbigyan sa hiling na makapagpiyansa.

Sinasabing maayos na naiikundisyon ang anumang nararamdaman ni Mrs. Arroyo sa ngayon dahil sa maayos na pag-aalaga dito ng mga doktor sa Veteras Hospital kung saan ito naka-hospital arrest kaugnay ng kaso.

Show comments