Pulis, iba pa na magpapaputok ng baril i-video, kunan ng litrato - PNP

MANILA, Philippines - Kunan ng video at lit­rato!

Ito ang ginawang pag­hikayat kahapon ng Philippine National Police (PNP) sa milyong Pinoy laban sa kanilang mga tauhan at maging sa sinumang indibidwal na masasangkot sa indiscriminate firing sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Kasabay nito, mu­ling nanawagan si PNP Spokesman Sr. Supt. Wilben Mayor sa taumbayan na makipagtulungan sa mga awtoridad sa mga kaso ng indiscriminate fi­ring lalo’t higit kung nasaksihan ng mga ito ang insidente sa mga inosenteng biktima ng ligaw na bala.

“They can take videos or photos of our personnel and officers o kahit sinong individuals na involve sa indiscriminate firing,” ani Mayor bilang ebidensya sa kasong isasampa sa korte laban sa mga lalabag sa batas lalo na sa mga pasaway na pulis.

Inamin naman ni Mayor na mahirap resolbahin ang mga kaso ng mga biktima ng indiscriminate firing na karaniwan ng tumataas ang bilang sa panahon ng pagsalubong sa Bagong Taon.

Ayon kay Mayor, ma­laki ang maitutulong ng taumbayan upang mapabilis ang paglutas sa mga kaso ng mga nabibiktima ng ligaw na bala kaya kung may makikita ang mga ito ng  nagpapaputok ng baril lalo na ang mga pulis ay isuplong kaagad sa tanggapan ng PNP.

Maari aniya na maki­pagtulungan ang mga nakakita sa mga nagpapaputok ng baril para mahuli kaagad ang mga ito at maparusahan alinsunod sa itinatadhana ng batas.

Sa kasalukuyan, uma­abot na sa 12 katao ang bilang ng mga tina­maan ng ligaw na bala na naitatala ng PNP mula Disyembre 16 hanggang sa kasalukuyan.

Tiniyak ng PNP na aares­tuhin at pananagutin sa batas ang sinumang mapapatunayang guilty sa indiscriminate firing.

Show comments