Napoles lagyan ng reward - Tiangco

MANILA, Philippines - Iminungkahi ni Navotas Congressman Toby Tiangco na mag-alok ng bounty money upang mabilis na maaresto ang sinasabing utak ng P10-B pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles at kapatid nitong si Reynald Lim matapos magpalabas ng arrest warrant ang Makati Regional Trial Court.

Ayon kay Tiangco, kung talagang seryoso ang mga awtoridad na mahuli sina Napoles at Lim, hindi lang dapat plate numbers at mga numero ng DOJ hotline ang kanilang ipalabas kundi reward sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng magkapatid. 

“How about adding peso signs to those hotline numbers and plate numbers? Let us not endanger our citizenry by having them arrest possibly dangerous fugitives, if the authorities are serious, offer reward for information or is this investigation merely a moro-moro?” dagdag ni Tiangco. 

Samantala, pinaubaya naman ng Malacañang sa DOJ at NBI ang pag-aaral kung kailangan magpataw ng pabuya para madakip si Napoles gaya ng P2 milyon na inilaan para sa paghahanap sa tinaguriang Big Five na kinabibilangan nina ret. Gen Jovito Palparan, da­ting Palawan Gov. Joel Reyes at Delfin Lee ng Globe Asiatique. (Butch Quejada/Rudy Andal)

Show comments