Palarong Pambansa 2013, gaganapin sa Negros Oriental

MANILA, Philippines - Inianunsiyo ng Department of Education (DepEd) na sa Dumaguete, Negros Oriental idaraos ang susunod na Palarong Pambansa sa taong 2013.

Nagpadala na ng liham si Education Secretary Armin Luistro kay Negros Oriental Governor Roel R. Degamo upang ipabatid ang desisyon ng DepEd.

Nabatid na dalawang provincial government ang nagpaabot ng pagnanais na mag-host ng Palaro sa susunod na taon, kabilang ang Negros Oriental at Negros Occidental ngunit matapos ang botohan ay napili ang Negros Oriental.

Ipinaliwanag ni Luistro na may ilang kondisyon ang kinakailangang matugunan ng Negros Oriental para maisapinal ang kasunduan.

Kabilang dito ang pagsusumite ng formal letter of commitment para i-host ang 2013 Palarong Pambansa na nagsasaad ng alok ng provincial government para sa counterpart funding at paglagda ng Memorandum of Agreement upang mapagtibay ang tungkulin at obligasyon ng DepEd at ng Provincial Government.

Pinasalamatan din ni Luistro ang provincial go­vernment ng Negros Occidental (Bacolod) na pinamumunuan ni Governor Alfredo Maranon sa ginawa nitong pagpiprisinta ng kanilang bid para maging host ng aktibidad, bagamat hindi ito pinalad na mapili.

Show comments