Multong Bahay (119)
HANGGANG sa nasa harap na ng kuweba ang hari ng kasamaan.
“Nandidiyan kayo alam ko! At kasama ninyo ang pira-pirasong multong buhay!
Di nakatagal ang pagdadasal ninyo dahil naawa kayo sa kanyang katawan na nagiging parang pasas na ang balat!
Nangungulubot na!
Ang dasal ay may epektong masama sa kanya!
Hahahahaaaa!”
Narinig ni Agyana at mga ninunong kaluluwa ang tawang iyon.
Ang boses ng kasamaan.
Kinikilabutan sila.
Sa purgatoryo, shielded sila. Protektado. Hindi naaabot ng kamay ng kasamaan.
Direkta ang communication nila sa langit.
May mga matataas nang uri ng kaluluwa sa purgatoryo ang nagagawa nang makipag-usap sa Diyos ng diretso.
Pero ngayon, dito sa mundo ng mga tao, kaya silang saktan o dalhin kahit saan ng hari ng kasamaan.
“Kailangang humanda tayo. Lumaban tayo. Hindi tayo dapat madala sa impiyerno,” sabi ng pinakamatandang ninuno.
“Hindi kasi tayo dapat tumigil sa pagdadasal. Iyon lang ang panlaban natin. Kita n’yo, hindi niya tayo nakikita o nararamdaman habang taimtim tayong nagdadasal.”
“Pero, Agyana ... natatakot na kami sa higit mo pang pagtanda. Mahal namin ang may-ari ng katawan na ‘yan. Paano kung sobra nang mangungulubot. Gusto pa rin naman namin siyang magsisi at ipagpatuloy ang maganda niyang buhay sa mundo.”
“Pero sino po ba ang mas mahalaga?”
“May tungkulin kami sa kanya. Hindi namin magawang mas pahalagahan ang sarili namin.”
Sumabad ang multong buhay. “Buti alam n’yo! May kunsensya nga kayo!”
Binalingan ni Agyana ang multong buhay.
“At ikaw ay wala! Nagmamahal sila sa iyo, nagmamalasakit ... pero wala kang pakialam. Kung noon ka pa sana nagbago, hindi na aabot sa ganito. Hindi na ilalantad sa panganib ng mga ninuno mong kaluluwa ang mga sarili nila!”
Naluluha si Agyana sa galit sa multong buhay at sa hari ng mga kasamaan. - ITUTULOY
- Latest