Multong Bahay (53)
LALO lamang humanga ang multong buhay kay Don Aguilar. Matapang pala ito.
Guwapo, malakas ang loob.
Ang pangarap niyang lalake noong siya ay tao pa. Noong siya ay si Agyana pa.
“Nakita n’yo ba? Lumusot sa kanya ang stool! Image lang siya, wala siyang katawan!”
“Na ang ibig nga hong sabihin, Sir Don ay multo nga siya! Nakakadiring multo! Sobrang nakakatakot ang anyo!”
“But that also means na kahit anong galit niya sa atin, kahit gaano kalaki ang intensiyon niyang manakit ay hindi niya magawa. Wala siyang totoong katawan, wala siyang dugo at laman! Kaya ibig sabihin, wala rin siyang lakas! Hindi niya tayo magagawang saktan!”
Natigilan ang mga kasambahay.
“Oo nga naman, ano?”
“Huwag lang tayong padadaig sa takot ng kanyang itsura, ng kanyang boses …hindi niya tayo kayang saktan!”
“Tama si Sir!”
“Kaya titigan na lang natin siya at mapapagod na lang siya sa katatakot sa atin, hindi tayo maaano!”
“Right. Kung hindi natin siya kayang saktan, ganoon din siya, hindi rin niya tayo kayang masaktan.” Napangiti si Don Aguilar.
Tumapang na ang hardinero, namaywang pa. “O ano, sige nga … sakalin mo nga ako!
Naghamon pa ito.
Nanggigil ang multong buhay sa panghahamon nito.
At bigla siyang lumapit dito at sinakal ang hardinero.
“Hala, sinasakal na nga si Maeng, o!”
Natakot uli ang hardinero .
“S-Sir Don … p-paano ba ito … s-sinasakal na nga ako!”
Itutuloy
- Latest