Pangalawang Anino (391)
LALONG nagalit ang halimaw na inang hindi naman makaalis sa kanyang mala-ulap na kulungan.
Gustong hablutin si Nanette pero ang mga kamay ay para lang nawawala kapag lumalampas sa mga ulap.
“AAAAWWWRRRRRLLLL!”
“Nagkakaganyan ka man, sa kaloob-looban mo ay nandidiyan pa rin ang pagiging tao mo. Ikaw pa rin si Alona. Ang isang inang naliligaw sa pagpapalaki ng anak. Sana abutin mo ‘yon at doon ka magsisimulang magbago. Alang-alang na rin sa iyong anak at sa kanyang mga anino.”
Pero parang walang naririnig si Alonang halimaw.
Nababalot pa rin ito ng galit. Ng kasamaan.
“Dalawa na kayong nandidito sa bundok na banal. Mga salot. Mga panganib. Na hindi ko papayagang makabalik sa ibaba dahil kawawa na naman ang mga inosenteng tao.”
Atungal at hiyaw pa rin ang sagot ng halimaw na ina. “AAAAWWWRRRLLLL!”
“Wala kang choice kundi bantayan sa tingin ang pangalawang anino ng iyong anak. Baka sakaling makapag-isip-isip ka naman ... at maaamin mo sa sarili na kung hindi dahil sa mga ginawa mo ay wala sanang Yawan at mga aninong naliligaw ng landas.”
At umangat na sa lupa dahan-dahan si Nanette.
Aalis na sa bundok na banal.
Nagwawala na sa loob ng kulungang ulap ang halimaw na ina. Pero ang tanging nagagawa ay sundan na lang ng tingin ang banal na babaing palayo nang palayo sa bundok na puno ng kabanalan.
NATUTULOG si Angela sa silid niya sa kumbento.
Nananaginip ang unang anino. Balisa.
Pabiling-biling siya. Parang nasa isang kalagayan na hindi maganda.
Hanggang sa nagising na sumisigaw.
“AAAAAHHHHHH!”
Sa lakas ng sigaw ng unang anino, dalawang tao ang napasugod sa kanyang silid.
Sina Ariel at Father.
“Angela, iha ... ano’ng nangyayari sa ‘yo?” Nag-aalala ang pari. - ITUTULOY
- Latest