Pangalawang Anino (382)
NAKASUNOD ang magandang ibon sa mag-asawang nagkakabalikan na.
Hindi mapapansin dahil napakataas ng kanyang lipad pero tapat na tapat siya kina Sheila at Roger.
Holding hands ang mag-asawa.
“Masarap pa rin ang malaya. Na wala kang kinatatakutan. Okay naman sa akin na sama-sama tayong mag-anak pero ngayon na natatagpuan natin muli ang puso ng isa’t isa, mas maganda kung nagkakaroon din tayo ng pribadong pagkakataon. Iyon bang hindi ako naiilang na mag-express ng pag-ibig sa iyo, Sheila.”
Napangiti ng matamis si Sheila. “Pareho lang naman tayo, Roger. Mahal na uli kita. Pero nawala nga bang tuluyan ang pagmamahal ko sa iyo? Mukhang hindi naman yata.”
“Sheila, ano kaya ... may oras pa naman ... mamasyal muna tayo doon sa lumang park kung saan kita unang nakilala.”
Namilog ang mga mata ni Sheila. “P-payag ako, Roger. Miss ko na rin ang lumang park na ‘yon. Napaka-meaningful no’n sa atin.”
Naririnig ni Yawanaya ang usapan ng dalawa.
Siyang-siya ito.
“Tamang-tama, halos hindi na pinupuntahan ng tao ang lumang park na ‘yon dahil may bago nang dalawang magagandang park. Doon, madali ko kayong makakatay at ni walang makakakita.”
Sumakay pa muna ng traysikel sina Sheila at Roger.
Saka nagpahatid sa lumang park.
“Aba, walang ibang tao. Tayong dalawa lang, Sheila.”
“Parang nakakatakot?”
“Bakit ka naman matatakot? Araw naman. Mas maganda na walang ingay dahil tayo lang. Mas mararamdaman natin ang ating pagmamahalan.”
Masuyong hinawakan ni Roger ang baba ng misis. “Sheila, alam mo bang napakaganda mo pa rin? Wala kang kupas.”
Umirap si Sheila. “Wala nang bolahan, ha?”
“Promise. Wala na akong sasabihin sa iyo kundi ang totoo.”
“Ako naman, lagi naman akong nagsasabi nang totoo lang sa iyo, Roger. Kaya ngayon sasabihin kong maligaya ako. Kasi magkasama na uli tayo. Kaya kong kalimutan ang masakit na nakaraan.”
Masuyong niyakap ni Roger at hinalikan ang asawa.
Ang magandang ibon ay unti-unting lumaki hanggang sa naging higanteng pangalawang anino.
Itutuloy
- Latest