MATAPOS ang mahigit isang buwan na pagsubaybay ko sa impeachment trial laban kay VP Sara, isang konklusyon ang nabuo sa aking isipan--sobrang hirap mapanagot ang isang mataas na opisyal ng gobyerno sa paratang na paglabag sa pagkakatiwalang ipinagkaloob ng mamamayan, tulad ng pagpapayaman sa panahon ng panunungkulan.
Hindi na ito tungkol lamang kay VP Sara, ito’y tungkol sa kawalan ng kultura ng integridad sa ating lipunan. Ayon sa ating Konstitusyon, ang opisina ng gobyerno ay isang pagkakatiwalang publiko. Public office is a public trust. Bawat opisyal at kawani ng gobyerno ay nananagutan sa mga mamamayan na nagpapasuweldo sa kanila sa pamamagitan ng ibinabayad na buwis.
Napakarami nating mga batas at mga ahensiya na ang tungkulin ay mapanatili ang katapatan ng mga nagtatrabaho sa gobyerno at maparusahan ang mga nagsamantala sa kanilang tungkulin. Ang mga nagpayaman sa gobyerno’y may kakayahang kumuha ng magagaling na abugado na kayang-kaya silang iligtas sa pananagutan. Ito siguro ang dahilan kung bakit tila mas madaling mapakulong ang nagnakaw ng libu-libo lamang kaysa nagnakaw ng milyun-milyon o bilyun-bilyong piso.
Tulad ng nabanggit ko na, ang ugat ng problema natin sa katiwalian at pagsasamantala sa katungkulan ay hindi ang kawalan ng mga epektibong batas o ahensiya na pipigil dito, kundi ang kawalan ng integridad. Ang integridad ay ang katangian ng pagiging tapat, pagkakaroon ng matatag na mga prinsipyong moral, at paggawa ng tama, sa lahat ng panahon at sa anumang pagkakataon. Sa madaling salita, ang integridad ay ang paggawa ng tama, may nakakakita man o wala.
Ito ang malaki nating problema. Marami ay sumusunod sa batas dahil sa pangambang mahuli. Pero lalabagin ang batas kung napakaliit ng tsansa na mahuhuli, o kung mahuli man ay madaling malulusutan. Halimbawa: tuluy-tuloy na daraan sa intersection kahit naka-red light kung wala namang nakitang nanghuhuli. Kapag ganito ang takbo ng pag-iisip, hahanapan ng butas ang batas. O kaya’y iisip ng mga paraan kung paano mapapaikutan ang batas. Walang magaling na batas sa isang taong nasa kapangyarihan na walang integridad.
Pero sa taong may integridad, hindi kailangan ang batas para gawin ang mabuti at tama. Gagawin niya ang mabuti at tama, may batas man o wala. Sabi nga ng French philosopher na si Albert Camus, “Hindi nangangailangan ng batas ang integridad.”
Para matuldukan ang katiwalian at pagsasamantala sa ating lipunan, hindi natin kailangan ang karagdagang mga batas. Ang kailangan natin ay maitatag ang kultura ng integridad upangmawasak ang kultura ng katiwalian.
Dapat itong pangunahan ng matataas na opisyal ng ating gobyerno, magmula sa Presidente, Bise Presidente, mga Senador at Kongresista, hanggang sa mga kapitan ng barangay. Kapag naitatag ang ganitong kultura, wala na tayong masasaksihang mga impeachment trials, o mga kasong kakasangkutan ng matataas na opisyal ng gobyerno. Ang pananagutan ay hindi na lamang magiging slogan, kundi magiging paraan ng pamumuhay ng lahat ng nasa gobyerno.
Kapag nangyari ito, doon pa lamang magiging totoo ang sinasabi ng ating Konstitusyon na ang “Opisina ng gobyerno ay isang pagkakatiwalang publiko. Sa ngayon, sa rami ng mga taong-gobyerno na sangkot sa mga katiwalian, ang opisina ng gobyerno ay nagmumukhang pribadong negosyo ng mga nasa kapangyarihan!