‘Your honor’

SA mga nagdaang paglilitis ng Senate Impeachment Court laban kay VP Sara Duterte, laging pumapailanglang ang mga katagang, ‘‘Your honor,’’ kapag ang isang saksi ay tumutugon sa mga tanong o paglilinaw ng mga Senador na tumatayong mga judges sa impeachment trial, tulad ng itinatadhana ng Saligang-Batas ng Pilipinas.

Ang praktis ng pagtawag sa mga judges na ‘‘your honor’’ ay nagsimula noong sinaunang panahon kung saan ang mga judges ay itinuturing na panginoon o amo. Nagsimulang gamitin ang ‘‘your honor’’ sa mga korte ng mga bansa sa kanluran noong 18th century.

Dito sa atin, kapag may impeachment trial, ang mga Senador ang nagiging mga judges at sila’y tinatawag na Senator-Judges at nagsusuot pa ng kasuotan ng judge. Iba’t iba ang praktis ng mga bansa. Sa America, hindi naman tinatawag na Senator-Judges ang mga naglilitis na Senador sa panahon ng impeachment trial. Senador pa rin ang tawag sa kanila.

Kapag tinawag na ‘‘your honor’’ ang isang Senator-Judge, ang pinalulutang dito’y ang kan­yang dangal at integridad na makapagsagawa ng isang patas, walang kinikilingan, at makata­rungang paghatol ayon sa ebidensya at konsensya. Napakahalaga ng puntong ito: ang ‘‘your honor’’ ay hindi tumutukoy sa katalinuhan, kayamanan, at katanyagan ng isang Senador bilang Judge sa isang impeachment trial, kundi sa kanyang dangal at integridad. Ang ‘‘your honor’’ang pinakamataas na kapahayagan ng paggalang at pagpapahalaga sa isang Senador na tumatayong judge sa isang impeachment trial.

Naririto ngayon ang ating problema. Dapat sana’y 24 ang Senator-Judges, dahil iyon ang kabuoang bilang ng ating mga Senador. Kinakailangan ang botong two-thirds (o 16 boto) ng mga Senador upang mahatulan si VP Sara sa mga ipinaparatang sa kanya.

Dalawa sa Senador ay nakakulong sa kasong pandarambong, isa’y nagtatago dahil sa arrest warrant na ipinalabas ng International Criminal Court (ICC) dahil sa diumano’y pagkakasangkot sa madugong giyera laban sa droga noong panahon ni Presidente Duterte, at isa’y wala sa Pilipinas dahil sa medical leave. Bagamat wala pa namang nahahatulan doon sa mga may kaso, at bunga ng iba’t ibang kadahilanan, ang apat na Senador ay hindi nakakadalo sa mga paglilitis.

Maaari ba talagang tawagin ang lahat ng ating mga Senador na «your honor,» ibig sabihin ay walang anumang batik at pagdududa sa kanilang dangal at integridad? Ibig sabihin ay tunay silang mararangal na tao na maaaring gumawa ng patas, walang kinikilingan, at makatarungang paghatol? Lahat ba sila’y pinangangalagaan ang kapakanan ng Pilipinas, at hindi ang kapakanan ng sarili o ng sinuman?

Ang ginaganap na impeachment trial ay nagpapaalala sa atin sa kahalagahan ng masusing pagpili sa ibinoboto nating Presidente, Bise Presidente, at mga Senador. Dapat ang kauna-unahang konsiderasyon sa pagpili ay ang karakter ng kandidato, bago pa man ang katalinuhan at kakayahan nito. Mahalaga na walang bahid ang dangal ng isang kandidato, malinis ang kanyang buhay, hindi nasangkot sa anumang katiwalian, kasinungalingan at pagmamalabis. Dapat ay talagang matatawag nating «your honor» ang bawat Senador.

Kung ang mga Senador ay dapat maging karapat-dapat sa tawag na «your honor,» lalo naman ang Presidente at Bise Presidente. Kung ang pangunahing isinasaalang-alang ng mga botante sa pagpili ng mga lider ay ang dangal at integridad, wala sana tayong impeachment trial ngayon!

Show comments