Imago (34)

BUMABA si Maya mula sa matarik na sementeryo, bitbit ang audio recorder ni Nelson. Pagdating sa isang tahimik na intersection na daan sa paanan ng burol, nakakita siya ng isang vending machine na ­naglalabas ng maliwanag at makulay na ilaw.

Nanginginig ang kanyang mga daliri habang naghuhulog ng mga barya. Pumili siya ng isang mainit na lata ng black coffee. Sa pagbagsak ng lata, agad niya itong dinampot at idiniit sa kanyang nanlalamig na mga palad. Ang init niyon ay tila unti-unting nagpabalik sa kanyang diwa mula sa mundo ng mga patay.

Umupo si Maya sa isang mababang pader na bato sa tabi ng daan. Mula sa kanyang puwesto, tanaw ang buong lungsod na unt-unti nang nagigi­sing sa ilalim ng sikat ng araw. Ang mga bus ay nagsisimula nang bumiyahe, at ang mga gusali sa malayo ay kumikinang sa liwanag. Napakaganda ng tanawin, ngunit para kay Maya, ang lungsod ay tila isang magandang maskara na nagtatago ng isang malalim na kulto.

Inilagay niya muli ang kanyang earphones. Habang humihigop ng mainit na kape, paulit-ulit niyang pinatugtog ang huling bahagi ng recording. Ang tinig ng lalaki ay kanyang binalewala; ang kanyang buong konsentrasyon ay nakatutok sa dumagundong na ali­ngawngaw ng kampana at ang marahas na agos ng tubig sa background.

Alam niya ang acoustics na iyon. Hindi iyon basta-bastang templo sa kapatagan. Sa tulong ng kanyang alaala sa mga nakaraang pananaliksik, unti-unting nabubuo ang mapa sa kanyang isip. Ang kanyang susunod na destinasyon ay nasa mas mataas at mas madilim na bahagi ng bundok. Huminga siya nang malalim, inubos ang kape, at tumayo.

(Itutuloy)

Show comments