Tuyot na bukirin utang ang aanihin ng ­magsasaka natin

NAKAAMBA ang masidhing gutom at uhaw sa hinaharap sanhi ng epekto ng sobrang init na dinaranas ng buong bansa. Recess ngayon ang Senado at Kongreso kaya wala ni isa man sa kanila ang pumapapel para sa isang public hearing in aid of legislation upang alamin kung ano ang solusyon sa ganitong uri ng krisis.

Inaasahang hihina ang produksyon ng mga magsasaka at tiyak na mahihirapang bayaran ang mga inutang nilang ipinuhunan sa kanilang pananim. Lugi sigurado ang nagpautang na ang aanihin ang kabayaran.

Katotohanan na ang kailangang ihalal nating mga senador at kongresista ay mga propesyonal na may alam sa batas, ekonomiya, edukasyon at agrikultura. Hindi natin kailangan ang guwapo at sikat pero sa kaalaman naman ay salat.

Kailangan natin ang may malawak na pang-unawa sa batas, ekonomiya at edukasyon na lalahok sa pakikipag-ugnayan sa foreign at local investors upang mapunuan ang posibleng magiging problema sa pananalapi sa panahon ng taggutom. Hindi po pag-arte sa harap ng camera ang importante ngayon.

Kailangang kumilos ang gobyerno upang maisalba ang ating mga magsasaka at malampasan ang salot na dulot ng tagtuyot.

Show comments